@Buti na lang may SSS | August 21, 2022
Dear SSS,
Nais kong itanong ang SSS death benefit claim ng tatay ko. Namatay siya noong January 19, 2022. Makukuha ba ng Nanay ko ang pensyon ni Tatay? May una siyang pinakasalan, gayundin si Nanay. – Sonia
Sagot
Mabuting araw, Sonia!
Ang pagkakasunud-sunod o order of preference ng mga benepisaryo ng miyembro ng SSS ay ang mga sumusunod: Una, primary beneficiaries o pangunahing benepisaryo na tumutukoy sa legal na asawa at menor-de-edad na anak, kasama ang legal na ampon at incapacitated; ikalawa, secondary beneficiaries na binubuo ng mga magulang ng namayapang miyembro kung siya ay single o walang asawa; ikatlo, designated beneficiaries o ang at itinalaga ng miyembro bilang kanyang benepisaryo sa SS Form E-1/E4; at ikaapat, ang Legal heirs o mga legal na tagapagmana ng namatay na miyembro na naaayon sa Civil Code of the Philippines.
Sa ilalim ng Republic Act 11199 o ang Social Security of 2018, ang may karapatan sa batas na makatanggap ng death benefit ng miyembro ay tanging ang mga legal na benepisaryo ng SSS, tulad ng ating nabanggit.
Kung ang namatay na miyembro ay pensiyunado, ililipat ang pensiyon nito sa kanyang legal na asawa na katumbas ng 100 porsyento na tinatanggap ng namayapang miyembro. Kung may anak naman siya na wala pang 21 taong gulang, makatatanggap ang kanyang anak ng dependents’ pension. Ito ay katumbas ng P250 kada bata o 10% ng basic monthly pension, alinman ang mas mataas. Samantala, maaari itong ipagkaloob sa limang menor-de-edad na anak, simula sa pinakabata, ngunit walang kaukulang substitution. Matitigil lamang ang benepisyong ito kapag umabot na siya ng sa 21 taong gulang, nakapag-asawa, nakapagtrabaho o kaya ay namatay.
Sa kaso ng iyong namayapang ama, Sonia, hindi maituturing na benepisaryo ang iyong nanay dahil hindi siya ang legal na asawa ng iyong tatay. Idagdag pa rito, may ibang asawa rin ang iyong nanay. Kaya hindi siya kuwalipikadong tumanggap ng pensiyon mula sa SSS.
Kung wala nang menor-de-edad sa inyong magkakapatid, maaari kayong makatanggap ng nalalabing balanse ng inyong tatay na nakapaloob sa five-year guaranteed period kung hindi pa nakalalagpas ng limang taon ang pagtanggap ng pensyon ng miyembro. Sa ilalim ng five-year guaranteed period, kapag ang miyembro ng SSS na nakatatanggap ng retirement pension o total permanent disability pension ay mamatay bago pa umabot sa limang taon ng kanyang pagtanggap ng pensyon, ang balanse nito ay ibibigay sa mga secondary, designated o legal heirs na babayaran sa pamamagitan ng lumpsum benefit.
***
Nais naming ipaalam sa ating mga miyembro na noong Nobyembre 15, 2021 ay binuksan na ang aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS tulad ng salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.
Maaaring mag-apply ang interesadong miyembro hanggang Pebrero 14, 2022 at mag-file ng application gamit ang kanilang My.SSS account.
Bukod dito, binuksan din ng SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4 noong Nobyembre 22, 2021. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila. Tatagal ang pagtanggap ng aplikasyon hanggang Pebrero 21, 2022.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.