@Buti na lang may SSS | January 15, 2023
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay pensyonado ng SSS. Kamakailan ay nabalitaan ko na mayroong pautang para sa aming mga pensyonado. Paano ba mag-apply dito? - Zeny
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Zeny!
Totoong may pautang na ibinibigay ang SSS para sa mga retiradong pensyonado nito at ito ang Pension Loan Program (PLP) na binuksan mula pa noong Setyembre 2018. Layunin ng programa ang makapagbigay ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng pautang na may mas mababang interest. Batid naman natin sa panahong ito na nasa gitna tayo ng pandemya ay kailangan n’yo ng karagdagang financial assistance para sa inyong mga pangangailangang medikal, atbp.
Ang PLP ay nagsisilbing alternatibo sa mga private lending institutions, kung saan mas mababa ang interes at hindi nila kailangang gamiting kolateral ang kanilang ATM cards.
Upang makahiram sa ilalim ng PLP kinakailangan na matugunan ninyo ang sumusunod na kondisyon:
hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;
walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensyon, tulad ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS;
walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package;
tumatanggap na ng regular na pensyon na hindi bababa sa isang (1) buwan; at
kinakailangan na naka-enroll ang bank account sa Disbursement Account Enrolment Module (DAEM) na nasa My.SSS portal.
Halimbawa, nag-apply kayo ngayong Enero, ang simula ng inyong pagbabayad ay sa Marso pa.
Sa kasalukuyan, maaari kayong makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng inyong tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1,000 additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P200,000 na siyang maximum loanable amount na ipinapahiram sa ilalim ng PLP. Dagdag pa rito, ang net take-home pension o matitira sa inyong buwanang pensyon ay hindi dapat bababa sa 47.25%.
Samantala, ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwanang pensyon ay babayaran ninyo sa loob ng anim na buwan; kung katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwang pensyon, maaari ninyo itong bayaran sa loob ng 12 buwan, Lola Zeny. Kung ang nahiram ninyong pension loan ay katumbas ng siyam o 12 beses ng buwanang pensyon, maaari ninyo itong bayaran ng hanggang 24 buwan o sa loob ng dalawang taon.
Online na rin ang pag-file ng application sa PLP maging kayo man ay first-time borrower o magre-renew ng pension loan. Kinakailangan lamang na kayo ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Hinihingi rin namin ang inyong contact number o aktibong mobile number, kabilang ang inyong SSS UMID-ATM o kaya’y ang Union Bank Quick Cash Card para rito.
Dati, ang disbursement channels lamang para sa pension loan ay Unified Multi-Purpose Identification (UMID) cards na enrolled bilang ATM at Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Card, kung kaya’t ang mga initial borrowers sa ilalim ng PLP ay kinakailangan pang magtungo sa SSS branch para mag-apply at kumuha ng disbursement account na ito.
Simula noong Mayo 30, 2022, sa bago nating programang Pension Loan Releases thru-the-Bank DBP (Development Bank of the Philippines) via PESONet, ginawa na nating electronic ang disbursements ng pension loan releases na diretsong i-credit sa mga bank accounts ng pensioners, kung saan pumapasok ang kanilang pension o bank account na enrolled sa DAEM sa My.SSS. Pagkatapos ng kanilang online application at real-time approval, maaari nang makuha ang loan sa kanilang pension loan account sa loob ng three banking days.
Mag-log in kayo sa inyong My.SSS account at magtungo kayo sa Loans tab kung saan makikita ninyo ang “Apply for Pension Loan.” I-click ninyo ito upang simulan ang iyong aplikasyon. Sunod, piliin ang halaga ng iyong uutangin at kung gaano mo ito katagal babayaran. Matapos nito, i-click ang “I agree sa mga terms and conditions of the program.”
Maaari naman ninyong i-download o kaya’y i-print ang kopya ng Disclosure Statement at makatatanggap na kayo ng kompirmasyon sa pamamagitan ng email o text tungkol sa iyong aplikasyon.
***
Hanggang Pebrero 16, 2023 na lamang tatanggap ng aplikasyon para sa Calamity Assistance Package (CAP) na inilunsad ng SSS para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Severe Tropical Storm ‘Paeng’ noong Oktubre 2022. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, Negros Occidental, Basilan, Lanao del Sur, Tawi-Tawi, Sulu, Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Kasama rin dito ang Cagayan lalo na sa bayan ng Amulung, Enrile at Tuguegarao. Sa Marinduque, ito ay ang mga bayan ng Mogpog, Santa Cruz at Buenavista, at sa Cotabato, ay ang bayan ng Pigcawayan, Libungan at Midsayap.
Dagdag pa rito ang Muntinlupa City, Calbayog sa Samar, Sirawai sa Zamboanga del Norte, at Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.