@Buti na lang may SSS |December 30, 2023
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay isang magsasaka dito sa General Tinio, Nueva Ecija. Nais ko sanang itanong kung paano maipagpapatuloy ng katulad kong magsasaka ang paghuhulog sa SSS. Salamat. — Mang Kiko
Mabuting araw sa iyo, Mang Kiko!
Kinikilala ng SSS ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga magsasaka at mangingisda sa ating ekonomiya. Kaya noong Oktubre 1995, sinimulan ng SSS ang coverage ng mga magsasaka at mangingisda para mabigyan din sila ng kaukulang social security protection nang sa gayon ay may magagamit sila sa oras ng pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, inboluntaryong pagkawala ng trabaho, pagkamatay, pagpapalibing, at mga biglaang pangangailangan.
Noong nakaraang taon, inilunsad ng SSS ang Flexible Payment Schedule ng Social Security (SS) at Employees’ Compensation (EC) contributions para sa lahat ng magsasaka, mangingisda, at mga self-employed individual sa informal economy.
Sa ilalim ng nasabing programa, maaari na kayong magbayad, Mang Kiko, ng inyong SSS contributions para sa nakalipas na 12 buwan mula sa kasalukuyang buwan.
Halimbawa, kung kayo ay magbabayad ng SSS contributions ngayong buwan ng Enero, maaari pa ninyong bayaran ang inyong mga kontribusyon para sa Enero hanggang Disyembre 2023.
Samantala, ang schedule na ito ay hindi applicable o ipinatutupad para sa ibang miyembro, lalo na sa mga regular na self-employed dahil hindi pinapayagan sa ganitong membership type ang retroactive payments.
Narito naman ang comparison ng regular na payment schedule para sa mga self-employed member at ng bagong flexible payment schedule para sa mga magsasaka, mangingisda at self-employed individuals na kabilang sa informal economy:
Nakita ng SSS na ang regular payment schedule para sa mga self-employed member ay hindi akma o naaayon sa schedule ng kita ng ating mga magsasaka at mangingisda.
Hindi kasi sila tulad ng karaniwang manggagawa na tumatanggap ng sahod kada buwan, dahil sila ay nagkakaroon lamang ng kita sa panahon ng anihan ng kanilang pananim na may mga partikular na buwan lamang sa loob ng isang taon.
Sa isinagawang pag-aaral ng SSS, lumalabas na may kaukulang harvest season ang mga magsasaka at ito ay:
Para sa palay
Pangunahing ani: Setyembre hanggang Disyembre
Ikalawang ani: Enero hanggang Abril
Kabuuang bilang ng buwan: 8 buwan/12 buwan
Para sa mais
Pangunahing ani: Hulyo hanggang Setyembre
Ikalawang ani: Pebrero hanggang Mayo
Kabuuang bilang ng buwan: 8 buwan/12 buwan
Dahil dito ay minarapat ng SSS na ibatay sa kanilang harvest season ang schedule ng pagbabayad ng kanilang kontribusyon para maipagpatuloy nila ang kanilang pagiging miyembro.
Ang halaga ng kontribusyon naman na kanilang babayaran ay batay sa idedeklara nilang buwanang kita. Sa kasalukuyan, maaari silang maghulog mula P570 hanggang P4,230 kada buwan. Kasama na rito ang kontribusyon sa ilalim ng Employees’ Compensation Program (ECP) na P10 kung ang Monthly Salary Credit o MSC ay P4,000 hanggang P14,500 at P30 naman kung ang MSC ay P15,000 o higit pa.
Maaari silang magbayad ng kanilang kontribusyon gamit ang SSS Mobile App, Bayad o GCash app o kaya’y sa pamamagitan ng ShopeePay. Gayundin, maaari nila itong bayaran sa pamamagitan ng internet banking facility ng Security Bank at Union Bank of the Philippines, SSS branch na may tellering facility, accredited payment centers, at SSS-accredited partner agents.
Malaki ang magiging pakinabang ng isang magsasaka o mangingisda kung patuloy na maghuhulog sa SSS hanggang sa siya ay magretiro. Sa panahon ng inyong pagreretiro, Mang Kiko, ay aanihin ninyo ang naimpok sa SSS bilang buwanang pensyon kung kayo ay may naipon na 120 buwan na kontribusyon. Kayo rin ang makikinabang sa kontribusyong inihuhulog ninyo ngayon sa SSS at sa darating pang mga taon.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program o Conso Loan, para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, tanging ang orihinal o principal amount at interes na lamang ang kanilang babayaran.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.