ni Angela Fernando @News | September 3, 2024
Umabot na ang utang ng 'Pinas sa bagong pinakamataas na antas nito nu'ng katapusan ng buwan ng Hulyo habang patuloy na nangungutang ang gobyerno upang mapunan ang mga kinakailangang pondo para sa budget, ayon sa datos na inilabas ng Bureau of the Treasury (BTr) nitong Martes.
Sa pagtatapos ng Hulyo, lumobo sa P15.689-trilyon ang kabuuang utang ng national government, tumaas ng 1.3% mula sa P15.483-trilyon nu'ng katapusan ng Hunyo 2024. Ayon sa BTr, ang pagtaas na P206.49-bilyon sa utang ng bansa bawat buwan ay pangunahing dulot ng pagpapalabas ng parehong domestic at external na utang.
Samantala, ipinakita rin sa datos ng ahensya na ang fiscal deficit ng pambansang gobyerno mula simula ng taon hanggang katapusan ng Hulyo 2024 ay umabot sa P642.8 bilyon, tumaas ng 7.21% kumpara sa parehong panahon nu'ng nagdaang taon.