ni Fely Ng @Bulgarific | Nov 22, 2024
Hello, Bulgarians! Pinangalanan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Social Security System (SSS) Executive Vice President para sa Branch Operations Sector na si Atty. Voltaire P. Agas bilang Officer-in-Charge (OIC) ng SSS.
Isang memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin na may petsang Oktubre 17, na si Agas ay itinalaga bilang OIC para sa state-run pension fund upang matiyak ang tuluy-tuloy at epektibong paghahatid ng serbisyo-publiko sa mga miyembro nito, mga pensyonado, at kanilang beneficiaries.
Sinimulan ni Agas ang kanyang karera sa SSS noong 2012 bilang chief legal counsel, posisyon na hawak niya hanggang 2022 at mula noong Marso 2022, pinangangasiwaan niya ang SSS branch operation activities nationwide, kabilang ang mga programa sa pagpapalawak ng membership, koleksyon ng kontribusyon, at pagproseso ng benepisyo.
Siya ay batikang lingkod-bayan na may mahigit tatlong dekada ng paglilingkod sa gobyerno sa iba’t ibang kapasidad, tulad sa Public Attorney’s Office (PAO), National Prosecution Service, kapwa sa ilalim ng Department of Justice (DOJ), at bilang trial judge sa Quezon City. Siya ang unang career official na nagmula sa hanay ng SSS na itinalagang magsilbing OIC nito.
Matapos makuha ang kanyang degree sa abogasya mula sa San Beda University, sinimulan ni Agas ang kanyang legal career bilang isang abogado ng PAO, mula 1989 hanggang 1994. Ang kanyang huwarang paglilingkod bilang isang public attorney ay nagbigay sa kanya ng Outstanding Public Servant Award, isang pagkilalang ibinigay kamakailan sa kanya ng PAO noong Agosto 2024 sa panahon ng 8th MCLE-Accredited National Convention of Public Attorneys.
Sa pribadong sektor, pagkatapos ng graduation mula sa Unibersidad ng Pilipinas, siya ay nakikibahagi bilang socio-economist sa mga proyekto sa pagpapaunlad ng komunidad sa ilalim ng Asian Development Bank at ng World Bank. Bilang abogado, mahigit dekada ang kanyang karanasan bilang corporate legal manager at chief compliance and governance officer sa Ayala Life Insurance Group na kilala ngayon bilang BPI AIA Life Assurance Corporation (BPI AIA).
Pinalitan niya si Commissioner Robert Joseph M. De Claro na nauna nang itinalaga ng Social Security Commission (SSC), ang policymaking body ng SSS, bilang OIC upang matiyak ang tuluy-tuloy na pang-araw-araw na operasyon ng pension fund “until a replacement is designated or appointed by the President.” Si De Claro ay mananatiling miyembro ng SSC, kung saan siya ang kumakatawan sa Employers’ Group.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.