ni Jenny Rose Albason @Gulat Ka 'No?! | August 11, 2023
Kadalasan kapag ang isang tao ay pumanaw, iniiwan nila ang anumang ari-arian na kanilang naipon para sa kanilang mga kaanak.
Ngunit ibahin natin si Ben Rea ng U.K at ang kanyang pinakamamahal na alagang pusa na si Blackie.
Nang namatay si Ben Rea, isang milyonaryo at antique dealer noong 1988, iniwanan nito si Blackie ng £7 milyon.
Ang katumbas nito ngayon ay nagkakahalaga ng nasa £18.5 milyon o P1.3B.
Dahil sa pamanang ito ay opisyal na itinuring si Blackie bilang pinakamayamang pusa sa buong mundo, na hanggang ngayon ay wala pa ring nakakatalo.
Ang amo ni Blackie na si Ben ay kumikita ng milyones sa pamamagitan ng pagbili at pagbebenta ng mga antique, na nagbigay-daan sa kanya upang bigyan ang kanyang mga pusa ng karangyaan na sa tingin niya ay nararapat lang sa kanila.
At si Blackie, ang huling nabuhay sa 15 na pusa sa mansyon ni Ben sa Dorney, Buckinghamshire, ang nagmana ng pera.
Si Ben ay may pamilya, ngunit siya ay nabuhay nang mag-isa at tumangging kilalanin ang kanyang sariling pamilya ayon na rin sa kanyang kagustuhan.
Sa halip, karamihan sa kanyang pera ay nahati sa tatlong cat charities kasama ang kanyang habilin na alagaan ang kanyang mga alaga hanggang sa kanyang huling araw.
Pinamanahan din ni Ben ng maliit na halaga ang kanyang hardinero at mekaniko.
Hindi lamang si Blackie ang ‘mayamang’ pusa r’yan. May mga ilang sikat na pusa rin sa internet ang nagkakahalaga ng milyun-milyon, tulad ng pusa ni Taylor Swift na si Olivia Benson at internet sensation na si Grumpy Cat.
Pero technically, ang pera ni Ben ay habambuhay nang nakatali kay Blackie, samantalang ang mga charity ay hindi makatanggap ng pondo maliban na lang kung sila ay sumang-ayon na pangalagaan si Blackie.
Ilang araw bago ang malungkot na pagpanaw ni Ben, pumanaw din ang kanyang kapatid na babae at nag-iwan ng £2 milyon sa mga animal charity.
Sino ba naman ang hindi maaantig sa kuwentong ito? 'Ika nga nila “a dog is a man’s bestfriend”, pero napatunayan natin sa kuwento ni Ben na hindi lang aso ang maituturing nating bestfriend, puwede ring pusa o kung anumang uri ng hayop ang ating alaga.
Okey lang kahit hindi pera ang isukli natin sa ating mga alaga, alagaan lang natin silang mabuti at mahalin tiyak na susuklian naman nila tayo ng walang katumbas na pagmamahal at saya.