ni Mabel G. Vieron @Gulat Ka 'No?! | September 1, 2023
Ang iba ay gumagastos pa buwan-buwan para sa nail extension na usung-uso ngayon, at ang iba naman ay namomroblema kung paano nila pahahabain ang kanilang mga kuko.
Malamang sa malamang ay bumilib kayo kay Lee Redmond, dahil nasungkit lang naman niya ang titulong may pinakamahabang kuko sa buong mundo.
Noong 1979, napagdesisyunan ni Redmond na pahabain na lamang ang kanyang mga kuko. Makalipas ang 30 years, umabot na ito sa 8.56 meters (28 ft 4.5 in).
Sa kabila ng pagkakaroon ng mahahabang kuko, patuloy na gumagawa ng kanilang gawaing-bahay si Redmond. Nagagawa pa rin niyang maglinis, maglaba at marami pang iba.
Kahit noong magkasakit umano ang kanyang mister ng Alzheimer, nagawa niyang alagaan at asikasuhin ito.
Gayunman, taong 2009 nang maaksidente si Redmond habang minamaneho ang kanyang SUV.
Nagtamo siya ng serious injury at ang kanyang pinakaiingatang mga kuko sa loob ng tatlong dekada ay nasira at naputol.
Bagama't nakakalungkot at nakapanghihinayang, nagawa naman ni Redmond na masungkit muna ang titulong may pinakamahabang kuko sa Guinness World Record.