ni Mabel G. Vieron @Gulat Ka 'No?! | September 15, 2023
Ang mga kuneho ay isa sa pinakatanyag na alagang hayop dahil sa kanilang napaka-cute na hitsura. Pero, tiyak na mas hahanga kayo sa aking ibabahaging kuwento, dahil siya lang naman ay pinarangalan ng Guinness World Record bilang “Longest fur on a rabbit”.
Ang aking tinutukoy ay walang iba kundi ang English Angora Rabbit na si Franchesca na pagmamay-ari ni Betty Chu ng Morgan Hill, California. Malamang sa malamang ay ‘di kayo maniwala, dahil ang balahibo ni Franchesca ay may haba ng 36.5 cm (14.37 in).
Grabe, hindi ba?
Tayo ngang mga tao ay naiirita na ‘pag ang ating mga buhok ay mahaba na.
Imagine, kinaya ni Franchesca ang ganu’ng kahabang buhok na halos ‘di na makita ang kanyang mukha? Yes, mga ka-BULGAR, kinaya niya ito dahil sa tulong ng kanyang furmom.
Gayunman, malungkot na ibinahagi ni Betty na pumanaw na umano ang kanyang pinakamamahal na alagang kuneho, ngunit nag-iwan naman daw ito ng malaking epekto sa buong mundo.
Ayon kay Betty, kung anu-anong contest na rin ang kanilang sinalihan at karamihan du’n ay napagtagumpayan ni Franchesca. Grabeng pagmamahal ang ipinadama ni Betty sa kanyang alaga, biruin mo ‘yun hinahaluan niya lagi ang pagkain nito ng tinapay, prutas at gulay, ‘wag ka, mayroon din umano itong sariling schedule sa pagkain.
Nakatanggap umano ng email mula sa Guinness World Records si Betty na inaanyayahan siyang i-apply ang kanyang alagang kuneho para sa record na may minimum length requirement na siyam na pulgada. Matapos nu’n ay inimbitahan ni Betty ang kanyang veterinarian na si Dr. Pete Keesling, at dalawang top rabbit breeders na sina Kathi Groves at Jeannie McDevitt, bilang mga saksi upang sukatin ang haba ng fur ni Franchesca.
Laking tuwa ni Betty nang masungkit ni Franchesca ang titulong may pinakamahabang fur sa buong mundo. At ngayon ay nalulungkot si Betty sa tuwing naalala niya ang kanyang mahal na alaga na si Franchesca. Hindi matutumbasan ng kahit na anong bagay ang ating mga alaga, lalo na kung napamahal at itinuring na natin sila bilang miyembro ng ating pamilya.