ni Thea Janica Teh | September 18, 2020
Isang bagong plant species ang natuklasan sa Mount Arayat National Park sa Pampanga ng research team mula sa Angeles University Foundation at University of Sto. Tomas at pinangalanang Pyrostria arayatensis.
Ito ay inilabas sa international scientific journal Annales Botanici Fennici noong August 10.
Sa pagkakatuklas sa bagong halaman, sinabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Central Luzon Office Executive Director Paquito Moreno Jr. na napapanatili ng Mt. Arayat ang healthy biological diversity dahil patuloy na nabubuhay at lumalaki ang mga rare native plants dito.
Kaya naman, pinaalalahanan din ni Moreno na protektahan ang lugar na ito dahil ito ay importante sa ecosystem ng rehiyon at nakapaloob sa Expanded National Integrated Protected Areas System Act na ipinagbabawal ang pagwasak sa biodiversity sa naturang lugar.
Bukod pa rito, dito rin natuklasan ang 49 species ng halaman at puno, 86 species ng ibon, 14 species ng mammals at 11 species ng reptiles. Ilan sa mga natuklasan at iniingatang halaman at puno sa lugar na ito ay ang Flame Trees (Brachychiton acerifolius) at Chamberlain’s Pitogo (Cycas chamberlaini).