ni Jenny Rose Albason @Gulat Ka 'No?! | August 5, 2023
Aakalain n’yo bang may tao palang kayang magpigil ng hininga nang matagal sa ilalim ng tubig?
Well, kung tayo ay kaya lamang tumagal nang ilang segundo o minuto, ibahin natin si Budimir Šobat na nakapag-record ng pinakamatagal na paghinga sa ilalim ng tubig sa Sisak, Croatia, na may oras na 24 minutes and 37.36 seconds.
Imposible man para sa karamihan, ngunit para kay Budimir ay bunga ito ng kanyang dedikasyon sa pagsasanay na halos ilang taon din.
At kung titingnan ang ebolusyon ng record mula 13 min 42.5 sec noong 1959 hanggang sa kasalukuyang record ni Budimir, malinaw nating makikita kung gaano pinaghihirapan ng mga tao na mapahusay ang kanilang mga technique.
Para ma-achieve ang kanyang record, nakadapang posisyon si Budimir sa swimming pool kung saan ang kanyang mukha ay nasa ilalim ng tubig, at mayroong isang team na nakagabay sa paligid niya.
Gumamit muna si Budimir ng scuba diving gear para makakuha ng oxygen bago siya pumosisyon sa tubig saka ito inalis at ipinikit ang kanyang mga mata para mag-concentrate sa pagpigil ng hininga.
Matapos niyang makamit ang kanyang record, napatunayan niya umano na lahat ng bagay ay imposible basta’t ikaw ay malakas at may dedikasyon.
Ang kanyang inspirasyon para makamit ang kanyang tagumpay ay ang kanyang anak na si Saša, na may autism.
Sinabi ni Budimir na ang pagdadala ng kanyang sarili sa atensyon ng media sa pamamagitan ng kanyang record, ay maaari niya umanong itaas ang kamalayan ng mga tao tungkol sa usaping autism.
Si Budimir ay gumugol ng tatlong taon sa paghahanda ng kanyang sarili para sa record attempt na ito, at nagsasanay ng anim na araw sa isang linggo.
Ang kamangha-mangha pa rito, habang tinapos ni Budimir ang kanyang record-breaking breath hold, hindi man lang siya nagpakita ng pagkahingal.
Pasimple niya lang inangat ang kanyang ulo sa ibabaw ng tubig, at ngumiti sa mga manonood habang pinapalakpakan siya.
Amazing ‘di ba? Pero paalala lang mga ka-BULGAR, ‘wag nating gagayahin ito dahil sadyang delikado. Nangangailangan ito ng matinding pagsasanay at kung maaari ay kumuha tayo ng trainer kung gusto rin nating magawa ang matagal na paghinga sa ilalim ng tubig.
At sadyang nakaka-inspired ang kuwento ni Budimir dahil para sa anak niya palang may autism ang kanyang pagkapanalo, how sweet!!!