Ibinabala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibilidad na magkaroon ng mapanganib at matagal na pagsabog ng Bulkang Taal sa Batangas.
Kasalukuyang nakataas ang Alert Level 4 sa Bulkang Taal na ayon sa Phivolcs, ang ibig sabihin nito ay nagbabanta ang ‘hazardous eruption’.
Nabatid mula kay Mariton Bornas, pinuno ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng Phivolcs, maaaring anumang oras ay magkaroon ng pagsabog pa na sasabayan ng paglabas ng magma at pyroclastic currents.
“Sa historical eruptions po ng Taal, pangkaraniwan po iyong climactic phase, itong pinakadulo po ng eruption, ito po iyong pinakamalala,” pahayag ni Bornas.
Sa sandaling sumabog na sa pinakamatinding antas ang bulkan ay susundan ito ng ilang worst case scenarios tulad ng matagal na pagsabog na maaaring tumagal ng tatlong araw o hanggang pitong buwan tulad ng nangyari noong pumutok din ang Taal Volcano noong 1754.
“It could be short, it could be long. Hopefully, short lang kasi malaking dagok po ‘yan sa mga kababayan natin sa Batangas,” ani Bornas.
Tinukoy din ni Bornas ang posibilidad na magkaroon ng volcanic tsunami, shockwave, fissuring o pagbitak ng lupa, base surges o pag-apaw ng lawa, landslide at ang mala-kumunoy na lupa.
“Kapag pumutok po nang malakas, explosive eruption, may studies na ginawa d’yan, eh, either driven by explosion or may ground deformation o pag-alsa ng lupa na sumisipa sa tubig,” dagdag pa nito.
Hanggang kagabi (Lunes) ay patuloy sa pag-aalburoto ang Bulkang Taal kasabay ng paglilikas ng libu-libong residente sa mga bayan na nasa paligid ng isla ng Taal. Nakataas na ngayon ang state of calamity sa Batangas.
MGA INSTRUMENTO NASIRA Aminado ang Phivolcs na medyo nahihirapan sila sa pagmo-monitor ngayon ng mga aktibidad ng bulkan matapos masira o matabunan ang kanilang mga instrumento na inilagay sa main crater.
Ang ilan sa mga iyan ay ‘yung mga instrumento na sumusukat sa pamamaga ng bulkan, dami ng gas at pati ‘yung tinatawag nilang seismometer at maging ‘yung IP camera ay napinsala rin.
Pahirap din aniya ang pagmo-monitor dahil sa makapal na volcanic ash. Gayunman, sinabi ni Bornas na nakipag-ugnayan na rin sila sa Philippine
Seismic Network at sinusubok na mapalitan at ilipat sa mas ligtas na puwesto ang mga equipment at instrumento nito.
LAHAT AY NAILIKAS
Walang naiulat na nasawi o nasaktan mula sa mga pamilyang inilikas sa isla ng Taal Volcano sa gitna ng pag-aalburoto nito.
Iniulat din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na halos tatlong libong pamilya ang nailikas na mula sa mga bayan na malapit sa Taal Volcano. Siniguro pa ng DSWD na sasapat ang ayudang ibinibigay sa mga naapektuhan ng volcanic eruption.
Naniniwala naman si Phivolcs Director Undersecretary Renato Solidum na ang Taal Volcano ay isang matatawag na national park at wala na dapat manirahan doon.
Makabubuti aniya na pag-aralan na ng mga lokal na pamahalaan ang permanenteng paglilipatan ng mga pamilyang inilikas mula sa Taal Volcano Island.