kawalan ng separation benefits at iba pang pang-aabuso sa mga empleyado ng BPO sa gitna ng pandemya, aksiyunan!
ni Imee Marcos - @Buking | July 01, 2020
Nakakapikon ang mga sumbong sa ating tanggapan lately ng ilang mga kababayan natin na nagtatarabaho sa mga call center company. Alam n’yo ba ang sumbong nila? Samu’t saring pang-aabuso habang nasa kasagsagan tayo ng krisis dulot ng COVID-19.
Knows naman nating maraming nawalan ng trabaho, pero ang masakit nito, daragdag pa ‘yung mga problema at kaso ng pang-aabuso ng mga kumpanya sa mga maliliit na manggagawa tulad sa mga call center agents.
Sumbong sa atin ng ilang mga empleyado sa Business Process Outsourcing (BPO) na call center, eh, lantaran ang pang-aabuso sa kanila bunsod ng flexible na oras ng trabaho na ipinatutupad sa kanilang mga kumpanya dahil sa pandemya.
Biruin n’yo, mga frennie, ikinakatwiran ng mga walang konsensiyang call center ang advisory ng Department of Labor and Employment (DOLE) bago ipatupad ang lockdown noong Marso para ipitin ang sahod ng kanilang mga empleyado o kaya ay ipasa sa mga ito ang operational costs ng kumpanya para hindi malugi? Santisima!
Isa sa mga reklamo nitong mga nakakaawa nating call center agents ay ‘yung hindi sila pinasahod ng 60 hanggang 90 days? Hindi lang ‘yan, wala rin daw separation benefits na ibinigay sa mga sinibak at hindi binayaran ang kuryente at internet access sa mga panggabing kawani na naka-work from home. Nakakalokah!
Meron pa mga beshy, daing rin ng call center agents ang mas mahabang oras ng trabaho para sa mga work-from-home na walang dagdag na bayad sakaling bumigay ang kanilang system tools, at sapilitang maternity leave na walang kasiguraduhan kung makababalik pa sa trabaho. Grabe ha!
Take note, mga seestra, hindi lang sa maliliit na kumpanya nanggagaling ang mga reklamo, kundi pati sa mga nangungunang call center na kumikita halos ng bilyon kada taon. ‘Yung isang kumpanya nga, halos kalahati ang tinanggal nila sa kanilang mga empleyado! Que Horror!
Hay naku! Dapat dumaan muna sa konsultasyon ang mga empleyado sa anumang pagbabago sa kanilang kumpensasyon bunsod ng flexible na oras ng trabaho, batay sa Labor advisory 9-20, at dapat i-report ng kumpanya sa pinakamalapit na opisina ng DOLE na nakasasakop sa lugar. Ganern!
DOLE, plis lang bantayan n’yo ang mga abusado at mapagsamantalang kumpanyang ‘yan kung sumusunod ba sila sa batas, hindi malayong lumaki pa ang problema ng unfair labor practice na ‘yan ng BPOs, por diyos por santo! Huwag n’yo silang palusutin! Gigil much ako sa kanila, busisiin na ‘yan!