top of page
Search

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | Marso 7, 2024

 

Nakapagtataka ang tiyempo ng pagpayag ng PNP na magmay-ari ng mataas na kalibreng baril ang mga sibilyan. Bakit nga ba? At ano ang meron? Hello!


Nakakaalarma rin ‘yan ha! Eh, gusto n’yo ba na matulad tayo sa U.S.? Mga trigger happy!


At higit sa lahat magdudulot lang ng malawakang violence o karahasan ‘yan sa ating bansa ‘di bah?!


Magiging set-back din ito sa pulisya lalo na’t sinisikap nilang mabawasan ang mga krimen sa ating bansa. Eh, hindi malayo na dahil may matataas na kalibre ng baril ang mga sibilyan,  kapag uminit ang ulo baril agad ang solusyon. Juskolord!


Bukod d’yan, nakini-kinita ko nang lolobo ang kriminalidad, terorismo, smuggling ng armas at malawakang karahasan sa halalan sa 2025.


Abah eh, malaking sampal ito sa PNP at lalo lang nilang ipinapahamak ang kanilang sarili at maging ang kaligtasan ng mga Pinoy mula sa karahasan.


Saka mind you, eh ‘di ba nga aktibo ang PNP sa decommissioning o pagbabawas ng armas ng mga rebelde... Ano na?! 


IMEEsolusyon na tigilan na muna ang mga ganyan, sa ganang akin, kaysa armasan ang mga sibilyan ang kanilang mga sarili bilang proteksyon, makabubuting mag-aral ng basic knowledge sa self-defense.


Pwede nga kung tutuusin na mag-sponsor ang mga barangay ng mga self-defense para sa Kani-kanilang mga residente o nasasakupan.


IMEEsolusyon, na i-hold na muna ‘yan ng PNP at pag-isipang mabuti, timbangin kung may idudulot na mabuti o mas makasasama pa sa kapayapaan ng ating bayan. Agree?

 


 
 

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | Pebrero 19, 2024

 


Kamakailan lang nagkaroon ng landslide sa Maco, Davao de Oro dahil sa sunud-sunod na mga pag-ulang dulot ng LPA.


Nakakanerbyos ang insidenteng ito dahil nalibing nang buhay ang ating mga kababayan kung saan pumalo na sa halos 100 ang namatay at posibleng madagdagan pa.


Patuloy pa ring hinahanap ang nasa 37 katao sa ground zero. Nitong isang araw isinagawa na ang mass burial ng labing-apat na hindi pa nakikilalang mga biktima at ang masaklap, walang nag-claim sa public cemetery ng Maco.


Tuloy rin ang paghuhukay at pagbabakasakaling may matagpuan pang buhay, makaraan ang mahigit isanlinggo matapos mangyari ang trahedya.


Ayon sa mga eksperto na gaya ni Mahar Lagmay, isang kilalang geologist at isa sa namumuno sa Project Noah, prone ang naturang lugar sa mga landslide at malambot ang klase ng lupa rito.


Bukod d’yan, mayroon ding minahan na lalo nang nakadagdag sa paglambot ng lupa roon.


Hay naku! Nakakabahala na talaga ang ganitong mga landslide. Pero sa ganang akin, IMEEsolusyon d’yan na sundin ang mga rekomendasyon ng mga eksperto. 


Abah eh, palikasin na sila sa mga lugar na gaya n’yan na prone sa landslide. Kahit pa anong gawin d’yan na pag-iingat tuwing uulan hindi maiiwasang maulit uli ang trahedya.


IMEEsolusyon na please, i-relocate na natin ang ating mga kababayan na nand’yan sa mas matatag ang lupa at hindi prone sa landslide.


IMEEsolusyon na para tumalima ang mga residente, magpatupad ng mahigpit na kautusan ang LGU na nakakasakop sa mga residente d’yan. Para naman ‘di na sila bumalik sa lugar.


IMEEsolusyon sa ating mga kababayan d’yan, plis naman ‘wag matigas ang ulo! Ang inyong seguridad at kaligtasan ang isipin at iprayoridad, plis lang ‘wag na kayo bumalik sa lugar na madalas na makaranas ng pagguho. Agree?!


 
 

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | Pebrero 2, 2024

 

Nakakaimbiyerna ang pagpupumilit na isulong ang Charter change, lalo na’t may alingasngas pa na may pera kapalit ang pirma na itinutulak ng People’s Initiative.


Kamakailan nga lang buking sa ating Senate hearing na may suhulan talagang nagaganap.


And take note, nasukol natin na ang lider nga ng Kamara ang nag-welcome pa at ipinagamit ang house nila sa meeting ng PI. Grabe ‘di bah!


Panay tanggi si House Speaker Martin Romualdez, pero may ebidensya naman. HAY NAKU!


Gisang-gisa ang mga resource person natin ha at meron din tayong mga testigo na mayroon talagang bayaran kapalit ang pirma. O ano, deny pa more??!!


Well sa ganang akin, wala namang problema ang Cha-cha lalo na kung economic provision ang babaguhin.


Pero IMEEsolusyon sa umiinit na usaping ‘yan, na plis naman no, isantabi na muna ‘yan!


Abah eh, napakarami nating dapat unahin. Una, problema sa presyo ng bilihin, trabaho at iba pa. 


IMEEsolusyon rin sa pagsuspinde ng Comelec sa pagtanggap ng mga pirmang ‘yan na totally junk at ibasura na muna.


Inuulit ko, hindi napapanahon ang pagsayaw ng PI sa Cha-cha.


Saka, IMEEsolusyon na tigilan na ang pagsuporta ng ating solons sa pangunguna ni Speaker Romualdez.


Puwede ba, hindi pa tayo nakakaahon sa hirap na dulot ng pandemya.


Anumang interes o agenda ng nagtutulak n’yan, ibasura na muna, alang-alang sa mga naghihikahos nating mga kababayan! Agree?!

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page