ni Imee Marcos - @Buking | August 7, 2020
Nakakapikon ang reklamong nakarating sa atin ng mga magulang at mga estudyante na naniningil pa rin daw ng miscellaneous fee ang mga top universities. Hello! Online classes na kaya!
Plis, Commission on Higher Education, ‘wag n’yo namang payagan ‘yan! Aba, sa hirap ng buhay ngayon, dagdag-gastos ‘yan sa ating mga kababayang naghihirap. Krisis ho ngayon! Pambili nga ng pagkain, problemado na ang mga magulang, eh! Mas lalo pa sila mababaon sa hirap, ‘di ba, mga besh?
Hay nako, hindi tama na maningil pa ng sobra o isingit sa matrikula ang miscellaneous fee na ‘yan sa mga school facilities na tulad ng paggamit umano sa classroom-based internet, kuryente, laboratoryo, libraries, medical at dental clinic. Heler! Online classes na tayo! Hindi magagamit ang mga pasilidad na ‘yan!
Mga friendship, ‘yung below 21, eh, ‘di na yan sila gagamit ng school facilities base sa guidelines ng IATF noong Hunyo, dapat silang manatili sa kani-kanilang bahay sa kahit ano’ng quarantine level na umiiral, remember? Kaya jusko, plis lang ‘wag naman pagkakitaan ang mga magulang at estudyante.
Calling the attention ng CHED, aksiyunan n’yo ang kontrobersiyang ito. Santambak na nga ang ating problema sa COVID-19 pa lang kung paano sistema sa pagbubukas ng klase, idaragdag pa ang pasanin na ‘yan sa mga magulang!
Hindi dapat magbulag-bulagan ang mga eskuwelahan para lang kumita sa mga serbisyong hindi nila maibibigay sa mga estudyante. Mas mababa o mas kaunti na lang ang dapat bayaran sa mga eskuwelahan ng mga magulang at mga estudyante.
Hindi tayo matatahimik ng ganyan, para makasiguro, may Senate Resolution 480 tayo ikinasa para busisiin ‘yan, santisima, ‘di natin ‘yan palulusutin!
Awang-awa na tayo sa ating mga kababayan lalo na sa mga magulang na hirap na hirap na nga para igapang ang anak sa pag-aaral sa gitna ng pandemya, may dagdag-pasanin pa! Ano na CHED? Kilos na!