ni Imee Marcos - @Buking | August 24, 2020
Hindi na natapus-tapos ang malawak at matagal na pamamayagpag ng sinasabing korupsiyon sa PhilHealth. Kaya habang wala pang linaw, dapat sigurong huwag na munang pakialaman ‘yung P10 bilyon na ilalagay daw sa nasabing ahensiya.
Hay naku, mga frennie, malalim talaga ang ugat ng anomalya riyan at isa sa mga pangunahin d’yan, eh, ‘yung talamak na “Pera sa Pneumonia Scam”. ‘Yan ‘yung simpleng sipon lang ang sakit tapos idedeklarang pneumonia para may mai-reimburse ang ospital sa ahensiya. Eh, ‘di ba, ang galing, laking kickback na!
Ang nakapagtataka ay kung bakit nakalulusot ang mga ganyang scam? Eh, ‘di kasi ‘yan mao-audit dahil sa kakulangan sa Republic Act 11332 o ang batas na mandatong iulat ng ahensiya sa gobyerno ang anumang nakahahawang sakit.
Ganito kasi ‘yan, hindi tugma ang pneumonia sa depenisyon ng batas sa tinatawag na “notifiable disease”, kaya “nagagawang ibalewala ng mga buwitre-bandido sa PhilHealth ang detalyadong pagsiwalat sa mga kaso ng pneumonia at tuloy ang singil-suhol ng mga ospital.” Gets n’yo?
Meaning, mga friendship, nailulusot ng mga bandidong buwitre sa PhilHealth ang paglalabas ng pera para bayaran ang mga ospital sa simpleng sakit, na sipon lang pero ginawang pneumonia ng mga tao ahensiya. ‘Kalokah!
Super-duper ang lalim ng talamak na kubrahan d’yan sa PhilHealth. Hirit nating suspendihin din muna ang paniningil ng premium contribution sa mga miyembro. Aba, eh, nobody knows, kung madadale ulit ang mga ‘yan ng sinasabi nilang sindikato sa loob. He-he-he!
Para iwas din na lumalim pa ang pangangawat ng pondo, eh, suggestion nga rin, na bumuo muna ang ating gobyerno ng account para ilipat at mabantayan ang kasalukuyang pondo ng PhilHealth at ilipat rin sa Department of Budget and Management (DBM) ang procurement o pagkuha ng equipment ng PhilHealth habang magulo pa ang usaping pinansiyal ng ahensiya.