ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 28, 2020
Hindi masamang maging friendly sa mga banyaga, pero pagdating sa mga prebilehiyo, lalo na sa libreng edukasyon o ‘scholarship ng bayan’, Pinoy ang dapat na makinabang!
Biruin ninyo, ayon sa sumbong sa atin, ang enrollment quota sa mga SUC o state universities and colleges ay napupunta lang sa mga dayuhang estudyante. Dapat sana, ang libreng edukasyon sa kolehiyo ay laan lang sa mga Pilipino, partikular na sa napakamagastos na kursong medisina, lalo na ngayong may pandemya na need natin ng mga doktor.
Reklamo to the max ang mga mahihirap na Pinoy na estudyante. Aba, eh, super dami na raw ang mga dayuhang estudyante sa mga SUC na kaagaw pa raw nila sa mga scholarchip. Hello! Tama ba ‘yan? Eh, ‘di raw mapigil ng Commission on Higher Education kasi aprub ng mga opisyal ng mga SUC.
Ayon sa Bureau of Immigration, nasa 26,000 ang foreign students sa bansa pero hindi tukoy kung ilan ang kasalukuyang nag-aaral ng medisina sa walong SUCs. Bukod pa riyan, may tatlong SUCs na nasa proseso na ang aplikasyon sa kursong medisina. Aba, agapan na ‘yan, plis lang!
Hay naku, mababalewala lang ang pagsisikap nating madagdagan ang mga doktor ng bayan at malulustay lang sa mga dayuhan, lalo na’t may itinutulak na “Doktor Para sa Bayan Bill” sa Senado na magpapalawak sa medical scholarship.
Bakit kasi kapag imported o banyaga, turing ng iba, eh, superstar sila? ‘Susmarya, tama na ‘yan. Eh, mula ulo hanggang paa, simula sa shampoo, toothpaste, damit o t-shirt, jeans hanggang tsinelas, imported. Pati ba naman sa edukasyon, bida-bidahan ang mga banyaga? ‘Kaloka!
Well, IMEEsolusyon para matigil na ang commercialization ng edukasyon at pagtanggap ng mga foreign students sa mga eskuwelahan ng bayan, eh, repasuhin ang mga panuntunan at seguruhin na mga mamamayan natin ang uunahin!
Dapat bantay-sarado at i-chika ng mga medical student sa gobyerno ang mga SUC na pinapa-eksena ang mga foreign students sa libreng edukasyon! Reminder SUCs, hindi foreign students ang priority kundi mga Pinoy! Agree?