ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 12, 2020
Aarangkada na bukas ang inisyal na registration ng National ID system. Pero kabado tayo sa kredibilidad ng supplier ng card na kinuha ng ating mga kasamahan sa gobyerno.
Eh, ang nanalo kasing bidder ay ‘yung kumpanyang Indian na Madras Security Printers na may rekord ng mga super-daming kontrobersiya o palpak na mga kontrata sa ibang mga bansa, Santisima!
Kabilang dito ay ‘yung report ng Bangladeshi media noong Hulyo lang, nabigo ang Madras na makapag-deliver ng 500K cards para sa driving license project ng Bangladesh Road Transport Authority, kaya napilitan ang kanilang gobyerno na saluhin at akuin ang gastos para matapos ang proyekto. Nakakalokah, ‘di ba?
Hindi lang ‘yan, ini-report din ng media sa Africa na ang Madras ang nagbigay sa Kenya Bureau of Standards ng markang dekalidad na stamp, gayung madali naman itong magalaw dahil gawa lang ito sa ordinaryong adhesive paper na nagpalala pa sa smuggling sa naturang bansa ng mga palpak na produkto. Juskoday!
Kuwestiyunable ang kredibilidad at maraming palpak na rekord, kaya ang hiling natin sa PSA at NEDA, pakipaliwanag para naman justified na gastusin ang pera ng taumbayan dyan!
Reminder, dapat masigurong hindi mangyayari sa ‘Pinas ang sinapit ng ibang bansa, ano ‘yan, panibagong Smartmatic? Kesyo ‘yan lang ang qualified bidder? Hello!
May IMEEsolusyon, tayo sa PSA at NEDA na bago pumasok sa anumang kontrata ganyang mag-eeleksiyon na siguruhin n’yo namang super-duper ganda ng rekord ng kukuning serbisyo.
FYI, polycarbonate na ang materyal na gamit sa mga driver’s license hanggang passport ng iba’ ibang bansa na tulad ng Sweden, Finland, Malaysia, etc, ang Madras ‘yan, di ba?
Bear in mind, integridad ng ating eleksiyon, serbisyo ng mga bangko, healthcare insurance, contact tracing at paghahatid ng mga ayuda ng gobyerno ay ilalagay sa peligro ng palpak na National ID system, at pangmatagalan ‘yan na gagamitin, sure ba kayo na oks ang Madras? I wish!