ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | December 18, 2020
Ilang araw na lang at Pasko na, pero nakakapangamba talaga ang posibleng paglobo pa ng COVID-19 cases sa bansa. Pihadong hindi mapipigil ang marami sa atin na magsalo-salo o sama-samang magdiwang kahit ipinagbabawal ang mga Christmas party!
Hay naku, huwag naman sanang ikagalit, pero malamang darami ang “covidiot”, o mga pasaway na mahirap kontrolin sa kasabikang mag-party-party.
Nito ngang nakaraang mga araw, may napabalitang nagpabinyag sa Maynila. Hindi napigilan sa pagha-happy-happy sa videoke, nang hindi naka-face mask.
At ang mikropono pa, nakadikit sa bibig habang nagkakantahan, juskoday! Kaya naman, ang resulta ay kalaboso silang lahat!
Nakini-kinita natin ng ganyan ang mangyayari sa panahon ng Kapaskuhan at lalo na pagkatapos ng Pasko. Remember, may kasunod pang New Year at Three Kings, ha?!
IMEEsolusyon sa hindi mapipigil o makokontrol na pagtitipon ng mga magkakamag-anak — kailangan tayong nasa gobyerno ay maging handa at alerto. Paano?
Ikasa na agad natin ang mga contact tracing system para sakali mang merong isang may COVID, mabilis na mako-contact at mate-trace ang mga na-expose sa virus. Tama ba?
IMEEsolusyon din na ikasa na ang contingency measures sa mga ospital lalo na kapag nauwi sa critical level ang paglobo ng mga nagpositibo sa virus.
Reminder sa ating mga LGUs, plis lang, patuloy na makibantay at i-monitor ang inyong nasasakupan. Pagmatiyagan ang mga maramihang pagtitipon na posibleng pagmulan ng mga hawahan ng virus.
Hinay-hinay lang muna sana tayo sa selebrasyon ng Pasko dahil hindi pa tapos ang pandemyang ito. Sa Europa, nagsasagawa na naman ng panibagong lockdown at ayon sa mga balita, nasa third wave na sila ng infections.
Ingat lang, mga kababayan. Magsuot ng mask, maghugas ng mga kamay at mag-social distancing pa rin tayo. Pasko man o hindi. Agree?