ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 11, 2021
Nasa gitna na naman ng kontrobersiya ang PhilHealth pagbukas pa lang ng bagong taon, dahil sa anunsiyong isasagawa na ang pagkolekta ng increase sa premium contributions ng mga miyembro nito.
Kahit pa sabihing may mandato ang Universal Health Care Law (Republic Act No 11223) sa kanila na itaas kada taon ang kontribusyon ng bawat miyembro, kailangan ding tumugon ng ahensiya sa tawag ng panahon at pangangailangan.
Kasalukuyan pa tayong nasa krisis bunsod ng pandemya at hirap na hirap ang ating mga kababayang kumayod. Ang iba nga nawalan pa ng trabaho at maraming maliliit na negosyo ang nagsara.
Mabuti na lang at maagap ang ating Pangulo. Ipinag-utos niya agad na itigil ang implementasyon ng increase kaya't napanatag for the meantime ang ating mga kababayan.
Pero, upang maisagawa ito ng maayos, kailangan magkaroon ng batas para rito. IMEEsolusyon natin ang dagliang paghahain ng Senate Bill No. 1966 na naglalayong ipagpaliban ang increase sa susunod na taon, 2022.
Layunin ng panukala nating ma-amyendahan ang Section 10 ng RA 11223 kung saan naka-specify ang premium rates na nagtatakda ng 0.5% increase bawat taon hanggang 2025.
Kaya hirit natin sa Pangulo, sertipikahang urgent ang amyenda na pagsuspinde sa PhilHealth premium contributions para maibsan muna kahit paano ang pasaning pinansiyal ng mamamayan ngayong hindi pa nakakaraos ang ating bansa sa pandemya.
At sana, gawing prayoridad din ng liderato ng Senado ang pagtalakay sa usaping ito.