ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 22, 2021
Tila barya na lang ang katumbas ng P500 sa ngayon dahil sa mahal ng presyo ng mga bilihin. Parang ginto na ang presyo ng baboy, manok, isda at gulay sa mga palengke!
Dagdag pa riyan ang pagsirit ng pump price ng mga produktong petrolyo at patuloy na pagkalat ng African Swine Flu sa mga alagang baboy. Kaya’t hindi mapigilan ang pagmahal ng mga basic commodities at dagdag-pahirap sa mamamayan.
Higpit-sinturon at nagtitiis na namamaluktot sa maliit na kumot ang karamihan sa atin. Paano pa ang mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya?
Pero ‘wag tayong mag-super worry, may IMEESolusyon d’yan! Hindi ba noong nagsisimula pa lang manalanta ang COVID-19 pandemic, ang mga naka-work from home ay nahilig sa pagtatanim? Dahil sa pangambang makahawa at mahawa ng virus, naghanap ang ilan ng mapaglilibangan habang naka-lockdown?
Dito na nga umusbong ang maraming ‘plantita’ at ‘plantito’ at nauso na ang pagtatanim ng kung anu-ano sa kanilang bakuran at kahit sa maliliit na paso lamang.
Parang nabuhay ang proyekto noon ng aking mga magulang — ang Green Revolution kung saan ang mamamayan ay hinimok na magtanim sa kani-kanilang bakuran, pati na sa mga eskuwelahan.
Ang maganda nito, mas magagamit na ngayon ang pagiging ‘plantita’, hindi lang sa pansarili kundi pang-komunidad. IMEEsolusyon ito at pantapat sa tumataas na presyo ng bilihin.
Kung magkakani-kanya ang pagiging ‘plantita’, walang masyadong epekto sa nakararami at hindi lubhang makatutulong sa kalagayan ng iba pang taong nababaon sa hirap dahil sa sobrang mahal na bilihin.
Namimigay ang ilang lokal na pamahalaan ng mga binhi ng gulay at iba pang pagkain na maitatanim. Sa gulayan sa bakuran, may kinabukasan; sa pagtatanim ng komunidad, hirap sa presyo ng bilihin ng mga residente, maiibsan!
Kailangan natin gawing pangkomunidad ang pagtatanim. Pramis, sa tanim may pagkain hindi lang para sa isa, kundi para sa lahat! Agree? So, tara nang mag-Green Revolution!