ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 30, 2021
Wala pa ring katiyakan ang mga inaasahang bakuna sa bansa, sa hirap ng pangangailangan o dapat mabakunahan ng gobyerno araw-araw ang mahigit sa 300 libong Pinoy mula ngayong Mayo hanggang sa matapos ang taon.
Sa katotohanan, mahigit 93 libo pa lang kada araw ang pinakamaraming naturukan ng COVID vaccine, ayon na rin sa report ng IATF na inaambisyon na 78 million na mga Pinoy ang mabakunahan sa loob ng taong ito, alinsunod sa rekomendasyon ng World Health Organization.
Ang tanong natin, mga friendship, ano ang back-up plan natin? Eh, nitong linggo, napurnada ang inaasahan nating bakuna na Sputnik V mula Russia. And take note, maging mayayamang bansa tulad ng UK o Britanya at ng EU nagbabangayan sa produksiyon at pagbarko ng bakuna.
Hindi lang ‘yan, kamakailan lang ay may mga sagabal na sa vaccine shipment ng Moderna sa yayamaning mga bansa tulad ng Canada, Britanya, tapos pati nga ang paggamit ng AstraZeneca at J&J vaccine ay ang dami sagabal, meron pa kasing panibagong safety review dito. Juicekoday!
Dagdag pa riyan ‘yung India na siyang pinakamalaking vaccine manufacturer, eh, nagtapyas ng kanilang ini-export, siyempre, inuuna nila ngayon ang kanilang bansa dahil mas lumubo ang mga tinamaan ng COVID-19. Santisima, eh, paano na tayong mga kasama sa mga abangers ng bakuna?
Super-duper malilimitahan lang ang bakuna nating makukuha, ‘kalokah! Eh, nasa 201,521 pa lang ang nakakakumpleto ng bakuna, habang 1,205,697 ang naturukan ng unang dose pa lang, so, ano na? Hay naku!
Pero, ‘ika nga, kada may problema, may IMEEsolusyon tayo, at isa na, eh, ang inihihirit na naman natin sa Department of Health at Food and Drug Administration na payagan na ang mas malawak na emergency use approval ng mga repurposed drugs na tulad ng Ivermectin, na ginawa para sa ibang sakit gaya ng elephantiasis at “river blindness” pero nakitang may pakinabang pala na ibsan ang pahirap na sintomas ng COVID.
Aba, eh, malaki ang maitutulong niyan sa ating health care system, napakamura lang P35 kada piraso! Eh, ‘di ba, nga pinayagan na ‘yan sa ilang ospital ng mismong FDA? Marami nang doktor at pasyente ang nagbigay ng testimonya na nakabuti ito, ‘di ba?
Sana itodo na, ‘wag nang limitahan sa ilang ospital lang, na parang takot masagasaan ang interes ng malalaking pharma kasi nga mura lang. Kung makatutulong ito habang walang bakuna, why not, ‘di ba? Go na sa Ivermectin, now na!