ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 12, 2021
Nag-viral ang pag-atras ni Pangulong Rodrigo Duterte sa debate challenge kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa usapin ng South China Sea.
Pero agree tayo kay Tatay Digong na 'wag na syang makipagdebate, dahil alam naman niya ang katotohanan d'yan. Pinaatras ng mga awtoridad ang ating navy ship sa Scarborough Shoal o Panatag Shoal at inabandona ang lugar kaya inangkin na ng mga Chinese.
Inaasahan umano kasi ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na tumutulong sa panahong iyon ang Amerika sa pakikipag-negotiate sa China at pinatulan naman natin na wala man lamang sapat na koordinasyon sa mga natatanging opisyal sa Beijing.
Ikalawa ang sinasabing arbitral ruling na umano’y pumabor sa Pilipinas noong 2016 ay hindi talaga “enforceable” o mapapatupad. Kaya nga arbitration lang ang title eh, obvious ba? Hindi yan kasi kagaya ng paglilitis sa nalalaman nating mga korte, na may pulis na naka-abang kung papalag ang hinatulan. Walang tinatawag na “enforcement mechanism.” Wala rin namang danyos na hiningi ang gobyerno noon.
So, tama ang tanong ni Pangulong Duterte kay Carpio. Ano ang ie-enforce at paano? Sa katunayan, hindi nga sumali ang China sa sinasabing arbitration process.
Well, napilitan na kasi ang ating Pangulo sa kakakulit at kung anu-anong alegasyon ang ibinabato sa kanya kaya naman sa pagkainis, eh, siya na mismo nanghamon sa debate na tiyak na wala namang kapupuntahan dahil batid na ng lahat ang insidente.
Batid din ng lahat na kung hahabol tayo ng apela sa UN General Assembly, eh napakalawak ng impluwensiya ng China sa mga bansang miyembro dahil sa pagpondo nito ng napakaraming proyekto. Isa rin ang China sa limang permanenteng miyembro ng UN Security Council at kayang ibaliktad ang anumang resolusyon laban sa interes nito. Tila ihahampas lang natin ang ating sarili sa pader.
Kaysa debate, IMEEsolusyon nga natin para malutas ang sigalot sa South China Sea ay makipag-negosasyon tayo sa China pagdating sa usapin ng pangingisda. Sa pakikipag-usap ni Pangulong Duterte kay President Xi Jinping, bukas na bukas naman ang China rito, pero ginugulo lang talaga nila Carpio at Del Rosario.
Tama lang ang ating Presidente na isantabi na niya muna ang debate dahil mas marami pa siyang iniintindihing problema sa kagutuman at kawalan ng trabaho. Tutok muna tayo sa pandemya! Agree?