ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | August 06, 2021
Lockdown na ngayong araw sa NCR, at magtatagal ito hanggang sa August 20. Pero ang tanong, nakapamili na ba ang mga tao ng sapat na pagkain?
Kung may ilang bukas na tindahan o maliliit na bilihan ng pagkain o groceries sa mga lugar na naka-lockdown, mas mahal kaya ang bilihin?
Harinawa’y may sapat na ayuda ngayong ECQ sa NCR at ibang lugar para hindi magutom ang ating mga kababayan. Lalo na sa mga arawang pasahod na mga manggagawa.
Bago pa mag-lockdown, nakiusap tayo sa mga taga-DTI na ipagpaliban muna ang inaprub nilang hirit na price hike ng mga de-lata, instant noodles, gatas at iba pang basic goods. Ang hirit kasi ng mga manufacturers, noong 2019 pa raw ang kanilang huling pagtataas.
Pero nga ‘di ba, premature at hindi pa naman naisasapubliko ang mga panibagong SRP o Suggested Retail Price, kaya naman puwede pa ipagpaliban ang mga pagtaas-presyo, plis naman. Bawal sa panahon ng emergency situations ang profiteering o pananamantala ng mga negosyante sa publiko para lang kumita ng mas mataas, alinsunod na rin sa Republic Act 7581.
Eh, biruin n’yo naman, kahit piso-pisong pagtaas-presyo ay hindi dapat minamani-mani kasi malaki ang mawawala sa mga workers na arawan ang suweldo. Mas kaya naman ng mga negosyante na manatiling ahon hanggang malampasan ang lockdown.
At ang tanong, paano na ang mga walang kita sa loob ng dalawang linggong lockdown? IMEEsolusyon para may makain ang mga kapos ang pambili, paspasan na ang pamamahagi ng ayuda. Cash ang ibigay para siguradong buo ang matatanggap at wala nang mabigat na binibitbit.
Remember, mas mahirap naman na nakaligtas nga sa Delta variant ang ating kababayan pero nadale naman ng kagutuman. Dapat patas ‘yan na naiintindi at naikakasa nang maayos.
IMEEsolusyon din na nakikita natin, eh, payagan na ring makatulong ang mga community pantry, basta ang importante ay no-touch sila at talagang kung puwede nga ay hindi na visible ang magmamaniobra ng mga community pantry. O kaya’y gawin na lang rolling community pantry na magha-house to house. Keri ‘yan!