ni Imee Marcos - @Imeesolusyon |December 04, 2021
Amoy eleksiyon na at magiging puspusan ang susunod na mga eksena ng bawat kandidato sa 2022 dahil iaanunsiyo na ngayong Disyembre 15 ng Comelec pinal na listahan ng mga kandidato.
Umiingay ang mundo ng pulitika sa ating bansa, at kani-kanyang diskarte na ang ating mga kababayang naghahangad na makapuwesto.
Ang iba, bumabanat sa kapwa kandidato, ang iba nama’y panay papogi sa pamamagitan ng pagbalandra ng kani-kanilang plataporma.
Kaliwa’t kanan ang pagpapasiklab, lalo na sa social media na kung minsan maasar ka, minsan ay matatawa ka dahil iba nga naman talaga ang mga Pinoy, masyadong creative at magaling ang karamihan sa pambubuska!
At kahit pa may pandemya at banta na naman ng panibagong COVID variant na Omicron, sinasagasaan na ‘yan ng kani-kanyang caravan ng ating mga kababayang naghahangad na makaupo ang kanilang paboritong kandidato, mapa-nasyunal man o mapa-lokal.
Masakit din na minsan ang ating mga kaalyado, dahil sa pulitika, nagkakatampuhan tayo. Pero at the end of the day, sa ayaw man o sa hindi, and’yan pa rin ang tatak-Pinoy na minsan man ay hindi nagkaintindihan, maayos din sa dakong huli. Nakakalokah ang pulitika, ‘di ba?
IMEEsolusyon para sa lahat ng mga kandidato at may kani-kanyang manok, kaunting lamig lang ng ulo. ‘Wag padadala sa emosyon dahil baka mauwi ito sa kung saan. Bagama’t hindi maiaalis na tayo ay masasaktan, ‘wag tayong maging pikon, kalma lang.
‘Yan ang isa sa mga natutunan ko sa aking ama.
Kahit magkakalaban sa pulitika, pagkakaisa sa paglaban sa pandemya ang dapat nating isulong. Unang-una, gutom ang ating mga kababayan at solusyon ang kailangan ng ating bayan sa tindi ng dagok ng ating krisis na dinaranas. Walang nakakaalam kung kailan matatapos ito sa buong mundo.
Sinuman ang mapili ninyong pamunuan ang ating bansa, pakaisipin at timbangin kung sino sa inyong tingin ang may solusyon sa pandemya, sa bagsak nating ekonomiya, sa kawalan ng trabaho at higit sa lahat nagsusulong ng pagkakasundo ng bawat Pilipino.
Agree?