ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 14, 2022
Sermon ang inabot sa atin ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pagdepensa sa importasyon ng 60,000 tonelada ng isda hanggang Marso ng taong ito.
Hindi kasi nila pinakinggan ang mga lokal nating mangingisda at National Fisheries and Aquatic Resources Management Council o NFARMC na hindi kailangang mag-angkat dahil nga sapat ang suplay ng isda! Ano bah!
Sandamakmak ang kuwestiyon natin sa fish importation na ‘yan, kamakailan lang sa pagdinig sa Senado. Una, sa usapin na mga coop na naman, na walang kakayahan ang mag-i-import ng milyun-milyong dolyar na isda, na certified importer daw?! ‘Di ba, ginamit din ng mga hamak na coop sa pagpasok ng bigas, bawang atbp.?
Paano ba maging importer? Bakit may mga “suki” ang DA mula pa January 2021 na may supply na agad — matagal ng may stock o na smuggle na? Pharmally na naman ba ito?
Naku, ha? DA Sec. Willie, uwi na dali! I-chika mo ang mga matitino mong dahilan! Bakit absent ka sa hearing!
Juskoday!
Hmmm… Napapaisip tuloy tayo kung nakaka-proud nga ba na inirekomenda natinsi DAR sa kanyang puwesto, eh, ang alam lang pala, magpapalamon sa mga dambuhalang importer at smuggler? Hay naku, Ginoong Willie, sikat ka raw sa abroad dahil sa husay mo sa tungkulin, eh, talaga ba?! Weh, ‘di nga?!
Valentine’s na. At isa sa mga loves natin ang ating mga lokal na mangingisda. Kaya bilang chairman ng Senate committee on economic affairs, IMEEsolusyon para mapatatag ang supply ng isda. Una, paikliin ang closed fishing season o buksan ng maaga at iwanang bukas sa mga commercial fishers sa mga lugar na kapos ang supply.
Ikalawa, tulungang ipa-barko ang suplay ng isda mula sa Mindanao hanggang Luzon at Visayas; repasuhin ang mga pamumuhunan sa mga ginagamit na pasilidad matapos ang bawat ani tulad ng blast freezing at cold storage, gayundin ipagamit na ang 60% na paupahan sa mga fishpond.
Ikatlo, dapat nang amyendahan ang Fisheries Code para di makapag-angkat ang DA ng walang permiso ng NFARM at kailangang bawiin na ang mga certificate ng importasyon, ‘di bah!
Panghuli sa tingin natin, ha? May basehan ang mga mangingisdang Pinoy na kasuhan ng agricultural sabotage at technical smuggling ang DA, BFAR, Bureau of Customs at Philippine Fisheries Development Authority.
Okay lang ang mag-import kung talagang kapos na sa pagkain at wala nang ibang remedyo, pero huling hakbang na dapat ‘yan. Prayoridad na protektahan natin ang sariling lokal na mga produkto, ang ating mga lokal na mangingisda, para mapatatag natin ang presyuhan ng mga pagkain sa merkado! ‘Ika nga, we love our own! Agree?