ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 28, 2022
Bakit hanggang ngayon, wala pa talagang eksaktong petsa ang ating mga kasamahan sa gobyerno sa paglalabas ng fuel subsidy sa sektor ng agrikultura at transportasyon, gayung nagtataasan na ang mga bilihin at langis dahil sa giyera ng Ukraine at Russia?
Eh, ano’ng petsa na? Ano pa ba ang hinihintay, Pasko? Santisima! Eh, sumisirit na ang presyo ng langis at magma-Marso na, tiyak na ang matinding epekto nito sa ekonomiya at sa ating mga pang-araw-araw na gastusin!
Ang dami nang nakiusap sa mga ahensiya ng gobyerno na ilabas na yang fuel subsidy.
Kailan ba talaga ‘yan ibibigay? Jusko, aanhin pa ang damo pag patay na ang kabayo?
Puwede bang isapinal na ng Department of Agriculture ang mga patakaran sa paglabas ng ayuda sa mga magsasaka at mangingisda dahil P500 milyon ang nakalaan d’yan.
Sa ilalim ng Special Provision No. 8 ng ating 2022 national budget, pwedeng maglabas din ang gobyerno ng P2.5 bilyong pang-fuel subsidy para sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan, taxi, traysikel, pati na rin sa mga nagmamaneho ng mga delivery services.
‘Wag nang hintayin pa ng Department of Budget and Management ang Abril para sa paglalabas ng subsidiyang ‘yan! Eh, ngayon nga iniipit na ang Russia na isa sa pinagkukunan natin ng supply ng langis.
At baka mabawasan pa ang supply sa Middle East kung dagsain ito ng mga taga-Europa.
Ayon sa mga eksperto, ngayong pumalo na sa $100 ang krudo, mananatili sa ganitong lebel ang presyo dahil balak ipitin ng U.S. at ng mga taga-Europa ang ekonomiya ng Russia sa halip na magpadala sila ng mga sundalo at armas sa Ukraine.
Hay naku, siguradong tataas na naman ang presyo ng pagkain at iba pang bilihin. Kaya IMEEsolusyon, bumili na tayo ng mas murang langis sa China o Russia. Nariyan din ang iba pang oil supplier tulad ng Venezuela at mga bansa sa Africa. Kasi nga ang target natin eh makabili ng marami hindi lang para siguraduhin ang pang araw-araw na konsumo kundi pati na rin ang ating reserba, agree?
Tulad ng nauna na nating nabanggit, eh, dahil may krisis na sa gasolina, bawas-bawasan na ang paggamit nyan. Sampol na lang itong ginagamit namin sa Ilocos Norte na mga windmill at solar panels, ‘di ba nga successful naman?
Panghuli, puwede namang makipagtulungan ang Pilipinas sa ibang bansang oil at gas explorer na tulad ng China, Japan, Australia at New Zealand, basta ba masisiguro nating makapaghihikayat ang alok nating sistema sa pagbubuwis sa mga foreign investor.
Kailangan na talagang tutukan ang pagpaparami ng reserbang langis at paigtingin ang paggamit ng tinatawag na renewable energy mula sa hangin at sikat ng araw. Now na!