ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 8, 2022
Heto na naman tayo at nahaharap sa mas matinding krisis dahil sa giyera ng Russia at Ukraine. Grabe ang pagsirit ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan na nasa $120 hanggang $125 na kada bariles, samantalang wala pang $80 pagpasok ng 2022.
Tulad ng inaasahan, domino-effect nito ang inaasahang pagtaas pa lalo ng presyo ng mga bilihin, Juskoday! Kaya naman, pihadong may mga abangers na negosyante na posibleng magsamantala at mag-overpriced.
Kahit pa sabihin ng Department of Trade and Industry (DTI) na manufacturer pa lang ng sardinas ang humirit na itaas ang presyo nito dahil sa mataas na presyo ng isda at hindi dahil sa giyera sa Silangang-Europa, kailangan na rin maging mapagbantay at maagap sa pagkakasa ng mga hakbang.
Aba, eh, kahit pa sabihing sapat ang suplay ng mga pangunahing bilihin sa atin sa ngayon, marami pa ring buwitre na nakaabang para mag-hoard ng mga paninda at magdedeklara ng pekeng shortage, ‘di bah?! Hay naku, kabisado na natin ang galawan ng mga ganyang walang patawad na negosyante!
Kaya para sa mga kababayan nating lalo pang nalugmok sa kahirapan, IMEEsolusyon na ilabas na ng DTI habang maaga pa ang mga SRP o suggested retail price ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin.
Ikalawa, plis, makibantayan at magsagawa ng surpresang inspeksiyon sa mga pangunahing palengke at mga grocery ang DTI para makasigurong hindi nag-o-overprice at mabalaan na rin sila, ‘di bah?
Tulad din ng pakiusap ng maraming sektor, ang inyong lingkod bilang chairman ng Senate committee on economic affairs, eh, umaapela sa mga manufacturers ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin na ‘price freeze’ muna tayo, plis, o hinay-hinay lang ang paghingi ng dagdag-singil.
Kapag nagtuluy-tuloy ang hindi makontrol na pagtaas ng langis dahil hindi pa natatapos ang giyera ng Russia at Ukraine, lalo pang lalala o titindi ang kagutuman sa ating bansa. Paano na lang tayo niyan?
Bawat singko ngayon ay mahalaga kaya siguraduhing nagagamit sa tamang paggastos ang bawat sentimo. At take note, importante na lang muna ang bilhin! Habang may krisis, ngayon mas kailangang-kailangan ang matinding paghihigpit-sinturon. Agree?!