ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 16, 2022
Halos isang linggo na ang nakalipas mula nang matapos ang halalan at heto na ang sobrang daming mga tambak na basura ng mga campaign materials. Hindi naman maiaasa ang lahat ng paglilinis sa mga kolektor ng basura!
Kahit saan ka lumingon, kaliwa’t kanan ang mga nakasabit na mga tarpaulin, mga papel o polyetos na ginamit sa kampanya at eleksyon kada barangay at sa bahay-bahay.
Reminder mga friendship, bukod sa masakit sa mata, abah eh takaw-sunog din ang mga election paraphernalia na ‘yan. Sobrang init pa naman ngayon ng panahon!
IMEEsolusyon na pakiusapan na ng bawat kandidato ang kanilang mga tagasuporta at mga volunteers na tumulong sa pagtatanggal at paglilinis ng mga campaign materials.
IMEEsolusyon para iwas-sunog, ‘wag nating ipasunog ang mga campaign materials na ‘yan. Sa halip na itapon, ‘yung iba puwede nating ipa-recycle para mapakinabangan.
Tulad ng mga tarpaulin at mga plastik na ‘yan, puwede ‘yang gawing trapal sa mga traysikel kontra ulan at init. Puwedeng gawing tolda o pantakip sa mga bahay o kahit sa bahay ng mga alaga nating hayop kaysa naman bumili pa tayo di bah?! Puwede rin ‘yang gawing sako na tapunan ng mga basura, tyagain na lang na tahiin.
Remember, meron ding panawagan ang ating DENR sa mga kandidato, mga supporters at mga volunteers nila na sundin ang tamang pagtatapon ng basurang campaign materials sa ilalim ng Republic Act (RA) 9003 o ‘yung Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Napakahalaga nito para sa ating kalikasan.
Kapag kasi sinusunog ang mga plastic sa bawat bahay na ‘di ginagamitan ng incinerator, abah eh makasisira ‘yan sa ating ozone layer. Agree ako sa DENR na nakikipagkoordinasyon sa Comelec para talagang susundin ng mga kandidato, supporters at volunteers ang tamang paglilinis o pagtatapon ng mga campaign materials.
Mas mahirap na maabutan din ng tag-ulan ang mga kalat na ‘yan, lalo na’t maghu-Hunyo na o aarangkada na ang rainy season.
‘Wag nating hintayin na maging dahilan ng bara sa mga estero, kanal at sapa ang mga basurang 'yan kapag sa panahon ng tag-ulan at mga pagbaha. Agree? Kaya gora na tayo, maglinis na ng mga basurang 'yan, now na!