ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 6, 2022
May suhestiyon na ibenta na lang ang Ninoy Aquino International Airport. Ayon mga friendship kay outgoing Finance Secretary Carlos Dominguez, makabubuting ibenta na lang ang NAIA para maging pondo ng gobyerno.
Pero ang ating mga empleyado sa Manila International Airport, eh, kontra rito. Paliwanag ni Andy Bercasio, pangulo ng Samahan ng mga Manggagawa ng Paliparan, nasa mahigit isanlibo silang mga regular na empleyado na hayagang kontra lalo na't malaki naman daw ang kinikita nito.
Sa ganang atin naman, IMEEsolusyon na sipating mabuti ang mga posibleng consequences o puwedeng mangyari bago ito ibenta o isapribado. Kung ipipilit namang ibenta, huwag lahatin. Baka dahil sa panay na lang benta tayo nang benta, magising na lang tayo, wala nang pag-aari ang ating gobyerno, 'di ba?
Bigyan din nating halaga o timbanging mabuti kung mas makagugulo o mas may malaking disadvantage ang nasabing suhestiyong pagbebenta.
IMEEsolusyon naman sa kalumaan nito, eh, bakit hindi natin unti-unting pagplanuhan ang modernisasyon nito sa mga susunod na panahon kapag may sapat nang badyet?
Panghuli, eh, 'di ba nga ang pangunahing prayoridad ng aking Ading na Pangulo na makabigay-trabaho sa mga Pinoy? Eh, unang mangyayari kapag ibinenta ang NAIA, magkakasibakan o magkakatanggalan ng mga empleyado! Paano na lang sila at kanilang hanapbuhay, kanilang mga pamilya? IMEEsolusyon d'yan, dapat isakontrata ng gobyerno at ng sinumang bibili ng NAIA na may malilipatan ang mga empleyadong maaabala ang hanapbuhay.
Marami pang puwedeng gawin para magkaroon ng pondo ang ating pamahalaan at 'wag tayong padalos-dalos sa benta ng benta ng mga assets ng gobyerno. 'Ika nga, "think a hundred times" bago ito gawin. Agree?!