ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | July 29, 2022
Hindi pa man natatapos ang COVID-19, may panibago na namang outbreak ng virus.
Kakaanunsyo lang ng World Health Organization (WHO) ang monkeypox outbreak. Ayon na sa WHO, nasa 16,000 nang katao sa 72 bansa ang apektado ng naturang viral disease at itinuturing na nila itong global health emergency.
Tumataas na ang mga kaso sa Europa, lalo na sa UK. Meron na ring mga kaso nito sa Amerika, gayundin sa Singapore na local case lang at sa South Korea.
Ayon sa mga health experts, sintomas ng monkeypox ang pananakit ng ulo, lagnat, pamamaga ng lalamunan, pananakit ng mga masel, panginginig at rashes na nagsusugat-sugat, kalaunan.
Bagama’t wala pa naman ito sa ating bansa, magsimula na tayong magkasa ng mga paraan ng pag-iingat laban sa virus. Inaasahan nating puspusan ang gagawing pakikipag-ugnayan ng Department of Health sa WHO.
Narito ang ilang IMEEsolusyon para makapag-ingat sa monkeypox, ayon na rin sa ating mga health experts:
Iwasang mahawakan ang mga infectious na rashes nito, sugat-sugat o body fluids, tulad ng pawis, laway ng tao.
Kaya ingat-ingat din sa pag-share ng mga baso at kubyertos, dapat hugasang mabuti. At bawasan ang paghalik sa kung kani-kanino.
Iwasan din na maubuhan kahit pa hindi alam kung may monkeypox ang may sintomas nito. Huwag hawakan ang mga bagay o lugar na nahawakan ng pasyente.
Sundin pa rin ang COVID safety protocols na pagsusuot ng face masks, social distancing, pagsa-sanitize ng mga gamit natin, tulad ng cellphone, lalo na kapag palagi tayong nasa labas.
Walang espisipikong gamot ang monkeypox, kundi ayon sa mga health expert ginagamot lang muna nila ang mga sintomas ng sakit na tulad ng sakit sa ulo, lagnat at iba pa.
Always remember mga friendship, prevention is better than cure, ‘di ba? Mag-ingat lang tayo, sumunod sa health protocols at sabayan natin ng dasal. Agree?!