ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 12, 2022
Mag-aanibersaryo na ang Presidential Decree 27 sa Oktubre 21 na nagdedeklara ng paglaya ng mga magsasaka sa pagkakaalipin sa lupang sinasaka, kung saan itinatakda rin na ibibigay na sa mga magsasaka ang pag-aari sa mga lupaing kanilang sinasaka.
Ito ang batas na ipinasa ng aking ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos na tunay na nagmamahal sa ating mga magbubukid.
Pero hanggang ngayon, nganga pa rin ang ating mga magsasaka, hindi pa rin nila maangkin ang kahit kapiraso man lang sa mga lupaing kanilang pinagyayaman at mas nabaon pa sila sa utang.
Dahil na rin sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin kabilang na ang mga abono, pestisidyo, gasolina at iba't iba pang farm inputs at pinakamasaklap pa ang pakikipagkompetensya sa mga imported na bigas.
Tila pinagsakluban na ng langit at lupa ang ating mga farmers at ang pinaka-nakakatakot sa lahat, marami sa kanila ayaw nang magsaka, humihinto na. Nakakapangamba 'yan, ha! Gutom ang aabutin nating lahat!
Sa kanilang mga pasakit na pinagdaanan, may IMEEsolusyon. Sisiguraduhin nating i-push na to the max ng Department of Agrarian Reform ang pamamahagi ng mga lupang pansakahan sa mga kuwalipikadong magsasakang puwedeng mag-may-ari ng lupa.
Sa ngayon kasi ang DAR ay may backlog na 621,085 ektaryang agricultural lands na dapat ipamahagi sa ating farmers. Kaya pakiusap sa gobyerno, 'wag nang magpatumpik-tumpik pa, ASAP, plis lang ipamigay na ang mga 'yan, tapusin agad, now na! Ano pa ba naman kasi ang hinihintay, Pasko?
Inihain natin ang Senate Bill No. 849 o ang Emancipation of Tenants Act of 2019 kung saan, palalayain na ang ating farmers sa pagbabayad sa lahat ng utang para makamit na nila ang kanilang lupa.
Dapat lang! Matagal nang nabayaran ng pawis at luha ang kanilang mga utang!