ni Imee Marcos @Imeesolusyon | February 18, 2023
Sa gitna ng umiinit na tensyon sa territorial dispute sa West Philippine Sea, madalas na sumasagi sa isip nating lahat kung kamusta kaya ang ating mga armas na pangdepensa?
Klaruhin ko lang, mga friendship, tayo ay peace advocate, ayaw nating sumuong sa giyera. Pero hindi ito nangangahulugang magiging kampante na tayo. May tensyon man o wala, kinakailangang kasado parati ang ating hukbong pangdepensa.
May mga alok sa atin na tulong sa labas ng bansa, ating mga kaibigan. Pero dapat talaga na mayroon tayong sariling pangdepensa para mabawasan ang pagdepende o pagsandig sa mga dayuhan kung saan naiipit tayo sa pamumulitika ng mga superpower?
Natatanging IMEEsolusyon dito ay ang pagbuhay sa ating programang Self-Reliant Defense Posture Program o SRDP, kung saan kailan lang ay nakipagkonsultasyon tayo sa Western Mindanao Command sa Zamboanga Sibugay.
Eh, kailangan natin itong gawin, lalo na’t naghahanda ang ating bansa para sa apat na lugar na bibigyang access ang U.S. military at sa kasunduan para sa mas malakas na kooperasyong pangdepensa sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Kung matatandaan n’yo, ang SRDP ay ipinatupad noong 1974 ng aking ama na si FM para ibsan ang pagdepende sa mga dayuhan. Tingnan n’yo ang Thailand, naco-customize na nila ang mga rifle nila na mas slim at mas magaan para sa mga sundalo nila.
‘Yung Vietnam naman, kaya nang gumawa ng mga anti-surface warfare missiles. Eh tayo, hanggang saan na ba ang narating natin?
Noong dekada ‘70 at ‘80, ang ating SRDP ay gumagawa na ng M-16 rifles, mga helmet, handheld radio, Jiffy jeeps, granada at mga bala. Lumikha rin ito ng mga trabaho at pinaliit nito ang gastos natin sa pagkuha ng imported na gamit pang-militar.
Kaya kailangan tayo, eh buhayin na rin natin ang SRDP. ‘Yung mga Pinoy manufacturer ay gumagamit ng mga lokal na materyales at nakakamit naman ang teknikal na kaalaman sa mga imported na parte.
Kaya dapat lang na gora na tayo sa SRDP, kering-keri at walang duda sa ating mga Pinoy na gawin ito, ‘di ba?! Buhayin na ang SRDP, now na!