ni Imee Marcos @Imeesolusyon | March 22, 2023
Kayo ba ay mahilig sa gulay? Masustansya ba ang mga kinakain n’yo?
Well, kung ako ang inyong tatanungin, mukhang no need to explain, he-he-he! Kaming mga certified Ilocano ay alam na, taga-probinsya at laki sa pagkain ng mga gulay!
Ako ay nababahala sa kaka-report lang na pag-aaral ng World Health Organization (WHO) na tatlo raw sa bawat apat na batang Pinoy na nasa edad 13 hanggang 15 o 74% ang hindi kumakain o kaunti lang kung kumain ng gulay kada araw.
Habang mahigit sa 1/3 o 38% ang umiinom ng carbonated drinks kada araw tulad ng softdrinks, mga juice, kape atbp.
Samantalang, sa hiwalay namang study ng United Nations Children's Fund na ang nasabing poor diet ng mga bata ay tripleng nagiging sanhi ng malnutrisyon, undernutrition, sanhi ng pagiging bansot at micronutrient deficiencies at overweight.
Eh, kung matatandaan n’yo rin sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute o FNRI noong 2021, lumilitaw na halos 30% ng mga Pinoy na edad 16 hanggang 19 ay mga lumaking bansot o maliit sa kanilang edad.
Habang 20% ng mga bata na 13 hanggang 15 years old at 19% ng mga batang Pinoy mula 10 hanggang 12 years old ay maliit o pandak.
Sinasabing karamihan sa mga bansot na bata ay mula sa mahihirap na pamilya.
Sa harap nito, IMEEsolusyon natin na simulan sa ating maliliit na anak ang pagpapakain ng gulay.
Gumawa tayo ng paraan o mga teknik para mapakain natin sila ng gulay. Maging halimbawa tayong mga magulang sa pagkain ng gulay, ‘wag natin sila i-spoil!
IMEEsolusyon din na puspusan ang gawing pang-eengganyo ng ating mga guro sa kanilang mga estudyante na masarap kumain ng gulay.
IMEEsolusyon din na gumawa ang media at socmed ng mga ads na hihikayat sa mga bata na kumain ng gulay.
Tanda n’yo ba ang commercial na sikat dati na, “Makulay ang buhay, makulay ang buhay ng may sinabawang gulay!” Ganyan! Gamitin na pati mga TikTok, Instagram, at reels sa Facebook para gumaya ang mga bata sa pagkain ng gulay.
IMEEsolusyon naman sa mga walang makain na gulay dahil mahirap lang sila at walang pambili na turuan sila ng mga LGUs ng backyard farming o pagtatanim sa bakuran o hydroponics para malibre sila sa mga gulay at makakain sila Agree? Gawin na ‘yan, now na!