ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Oct. 2, 2024
Nagpapasalamat tayo sa Board of Directors ng PhilHealth sa kanilang desisyong ibasura na ang single period of confinement policy na naging sanhi ng mahigit isang dekadang paghihirap ng ating mga kababayang nagkasakit.
Ang taong may sakit, lalo na ang isang mahirap, ay dapat arugain ng PhilHealth ilang beses man siyang magkasakit — hindi isang beses lang sa loob ng itinakdang panahon!
Sa rami ng reklamo na inilapit sa akin tungkol sa polisiyang ito noon, umabot na tayo sa tatlong committee hearing sa Senado upang kalampagin ang PhilHealth na ibasura na ito. Sulit man ang ating pangungulit, pero hindi ko titigilan ang PhilHealth hanggang tuparin nila ang lahat ng kanilang pangako.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Health, patuloy nating ipaglalaban ang sapat na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng mga Pilipino. Kasama na rito ang mga pangako ng PhilHealth na taasan ang case rates, palawakin ang benefit packages, babaan ang premium contribution, magbigay ng libreng gamot, at iba pa. Patuloy rin nating tututulan ang pagta-transfer sa national treasury ng P89.9 billion excess funds dahil naniniwala ako na ang pondo ng PhilHealth ay para sa health!
Magkakaroon muli tayo ng Senate Committee on Health hearing ngayong araw na ito upang talakayin ang estado ng health system sa bansa. Gaya ng ilang ulit ko nang sinabi, ang mga pagdinig na ito ay avenue upang mabigyan ng boses ang mga kapwa ko Pilipino at marinig ang kanilang mga saloobin para ang mga batas at polisiya na ating isinusulong ay angkop sa kanilang tunay na mga pangangailangan.
Sa mga kapwa ko lingkod bayan, importante na mayroon tayong isang salita na may kasamang aksyon at resulta. Buhay at kalusugan ng ating mga kababayan ang nakataya rito. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.
Samantala, nasa lalawigan ng Isabela tayo noong September 28 at nag-inspeksyon sa Super Health Center sa Luna. Dumalo rin tayo sa 75th Founding Anniversary ng Luna at nakiisa sa pagdaraos ng Bato Art Festival-Street Dance Parade and Showdown. Sa pagdaraos din ng 75th Founding Anniversary ng Alicia, personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 500 nawalan ng hanapbuhay doon na sa ating pakikipagtulungan ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho. Matapos ito ay nagkaloob tayo ng tulong sa 1,000 mahihirap sa Cauayan City na nakatanggap din ng tulong pinansyal na ating isinulong kasama sina Gov. Rodito Albano at VG Bojie Dy.
Bukod sa pagiging adopted son na ng Nueva Ecija, kinilala rin tayo bilang adopted son ng Gapan City noong September 30. Personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 1,667 mahihirap na residente na nabigyan din ng tulong pinansyal na ating isinulong katuwang si Mayor Joy Pascual.
Kahapon, October 1, ay dumalo tayo sa Liga ng mga Barangay National Congress Cluster 5 na idinaos sa Pasay City bilang suporta sa mga barangay leader na katuwang natin sa paglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa mga tao.
Sa nakaraang mga araw din ay sinaksihan ng aking tanggapan ang turnover ng Super Health Center sa Talacogon, Agusan del Sur at groundbreaking ng Super Health Center sa Calasiao, Pangasinan upang mailapit ang pangunahing serbisyo medikal sa kanayunan.
Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan na nawalan ng hanapbuhay bukod pansamantalang trabaho na ating isinulong kasama ang DOLE.
Sa Batangas, naging benepisyaryo ang 50 sa Sto. Tomas katuwang si VM Cathy Jaurigue-Perez; 50 sa Malvar kaagapay si VM Bert Lat; at 50 sa Balete kasama si VM Alvin Payo. Sa Leyte, may 117 sa Baybay City katuwang si Mayor Boying Cari; at 74 sa Hindang kaagapay si Mayor Betty Cabal. Sa Bohol, may kabuuang 447 sa Garcia Hernandez at Loay kasama si VG Tita Baja; at 1,013 sa Loboc, Dauis at Panglao kasama sina Dauis Mayor Ramon Bullen at VM Miriam Sumaylo, Panglao Mayor Edgardo Arcay at VM Noel Hormachuelos, at Loboc Councilor Efren Mandin. Natulungan din ang 64 sa Allen, Northern Samar katuwang si Vice Mayor Christian Lao; at 225 sa Lambunao, Iloilo kaagapay si Mayor Reynor Gonzales.
Muli nating sinuportahan ang mga nawalan ng tirahan dahil sa kalamidad bukod pa sa housing assistance ng NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales na pampaayos ng bahay. Nakabenepisyo rito ang 77 sa Bacolod City at 114 sa San Carlos City, Negros Occidental.
Tinulungan din natin ang 240 na maliliit na negosyante sa Veruela, La Paz, San Luis at Talacogon sa Agusan del Sur, na sa ating pakikipagtulungan sa DTI ay nakatanggap din ng tulong pangkabuhayan.
Natulungan din ang 1,000 mahihirap sa Labason, Zamboanga del Norte kasama si Mayor Jed Quimbo; at 66 sa Lavezares, Northern Samar kaagapay si Mayor Ed Saludaga.
Sinuportahan din namin ang 200 TESDA graduates sa Danao City, Cebu; at ang 250 benepisyaryo sa ginanap na Medical Mission sa Marawi City, Lanao del Sur. Namahagi rin tayo ng grocery packs sa mga biktima ng Bagyong Ferdie sa iba’t ibang bayan sa Antique.
Bilang inyong Mr. Malasakit, sa abot ng aking makakaya, patuloy kong pangangalagaan ang buhay at kalusugan ng bawat Pilipino. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.