ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 25, 2022
Nagsumite tayo sa Senado ng panibagong isang dosenang panukalang batas na kung makapasa at maisabatas ay malaki ang maitutulong sa ating lahat. Bukod pa ito sa naunang 20 bills na ating inilatag sa pagsisimula ng 19th Congress.
Kabilang sa mga ito ang Senate Bill Number (SBN) 1180 o ang Medical Reserve Corps. Sa ilalim nito, papayagan ang mga doktor, nurse, medical technologist at mga nakapagtapos sa mga kursong may kinalaman sa medisina na tumulong sa pamahalaan kapag may national emergencies. Tugma ito sa isa sa mga prayoridad na panukalang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na binanggit niya sa kanyang unang State of the Nation Address. Bahagi rin ito ng adhikaing mapalakas pa ang healthcare system.
Isinumite rin ang SBN 1181 o ang Philippine Building Act para sa mas maayos at ligtas na konstruksyon at disenyo ng mga pribado at pampublikong gusali. Importante ito dahil madalas dalawin ng lindol at iba pang kalamidad ang ating bansa, maliban sa halos apat na dekada na ang nakaraan mula naging batas ang kasalukuyang National Building Code of the Philippines.
Ang SBN 1182 o ang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises (GUIDE) ay naglalayon namang mapagkalooban ng loan assistance program ng Development Bank of the Philippines (DBP) ang ating mga maliliit na negosyante (MSMEs) na naapektuhan ng pandemya para maipagpatuloy ang kanilang pagnenegosyo.
Bilang suporta at proteksyon naman sa ating mga kapatid sa media at entertainment, nariyan ang SBN 1183 o ang Media and Entertainment Workers Welfare. Dahil karamihan sa mga nasa media at entertainment industry ay hindi regular employees, magiging mandatory na ang pagkakaroon nila ng detalyadong kontrata bago sila magsimula ng trabaho. Kasama ang mga dapat nilang matanggap na benepisyo.
At dahil marami ngayon ang pinapasok ang pagiging delivery rider, isinumite ko ang SBN 1184 o ang Delivery Riders’ Protection Act. Sa pamamagitan nito, protektado na sila laban sa mga mapang-abusong consumers, lalo na ang mga umo-order ng pagkain, grocery at gamot.
Kailangan din ng ating mga marino ng proteksyon kaya ang SBN 1191 o ang Magna Carta of Seafarers ang nangangalaga naman sa kanila para matiyak ang kanilang kapakanan at mga karapatan habang nagtatrabaho pa sila sa mga malalayong lugar at maging kapag tapos na ang kanilang employment.
Para naman mas mapaganda ang serbisyo ng ating Bureau of Immigration ay isinumite natin ang SBN 1185 o ang Bureau of Immigration Modernization Act. Matagal nang ipinaglalaban na i-modernize ang mga proseso sa gobyerno upang mas mapabilis ang serbisyo sa tao at matanggal ang korapsyon sa sistema.
Para naman hindi nakabinbin at nagpapatung-patong ang mga kaso sa ating mga hukuman, inihain natin ang SBN 1186 o ang Additional Divisions of Court of Appeals Act. Layon nito na magkaroon ng tatlong karagdagang dibisyon ng Court of Appeals mula sa dating 23 para maging 26 dibisyon, na lahat ay may tatlong miyembro.
Kaugnay nito, isinumite natin ang SBN 1187 o ang Additional Divisions in the National Labor Relations Commission para madagdagan ang bilang ng NLRC commissioners mula sa 23 para maging 26 at bumilis naman ang pagresolba sa mga labor disputes.
Kabilang ang mga kabataang Pilipino sa dapat protektado ng ating mga batas, at dahil dito ay nariyan ang aking SBN 1188 o ang Amendments to Special Protection of Children Against Abuses. Layunin nito na amyendahan ang Section 5 ng Republic Act No. 7610 para mas protektado pa ang ating mga kabataan sa pang-aabuso, pagsasamantala at diskriminasyon.
Para mapangalagaan ang ating kapaligiran at kalikasan, isinumite natin ang SBN 1189 o ang Mandatory Environmental Insurance Coverage Act. Sa pamamagitan nito ay itatatag ang National Framework for Mandatory Environmental Insurance Coverage. Lahat ng may-ari at operator ng environmentally critical projects (ECPs) ay dapat magbigay ng insurance para may proteksyon tayo kung sakaling magkaroon ng masamang epekto sa kapaligiran, kalikasan at mga tao ang kanilang proyekto.
Para naman sa sektor ng edukasyon, nariyan ang SBN 1190 o ang Expanding the Special Education Fund (SEF). Ang SEF ay magmumula sa karagdagang one percent (1%) na buwis sa real property. Dagdag na pondo ito para sa mga eskwelahan na magiging mas malawak ang puwedeng paggamitan upang masuportahan ang kanilang operasyon at mga programa na makatutulong para mas mahasa ang kaisipan ng mga estudyanteng Pilipino.
Umaasa tayong maisasabatas ang mga panukalang ito na napapanahon at kailangang-kailangan ng ating bansa.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.