ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 2, 2022
Noong Miyerkules, Agosto 31, 2022 ay nagkaroon ang Senate Committee on Public Order—na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa—ng public hearing at tinalakay ang pagpapalawak sa Anti-Drug Abuse Council Law na naglalayong magtatag ng Anti-Drug Abuse Councils sa bawat local government unit. Sang-ayon tayo sa panukalang ito at sa hangarin ng ating gobyerno na mapanatili ang peace and order sa ating bansa sa pamamagitan ng pagsugpo sa ilegal na droga.
Isa sa adbokasiya ng nakaraang administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte ay ang mapanatili ang kaayusan tungo sa kaginhawahan sa ating bansa. Mahalaga na hindi masayang ang ating nasimulan at maipagpatuloy ang pagsugpo sa mga nasa likod ng ilegal na droga, tulad nang ginawa ng Administrasyong Duterte para masolusyunan din ang problema sa kriminalidad at katiwalian.
Sa ating naobserbahan, kapag bumalik ang droga, babalik ang kriminalidad at babalik din ang korapsyon kaya damay-damay 'yan. Sa kampanya ni Tatay Digong mula noong 2016, isa sa kanyang ipinangako ay labanan ang kriminalidad, ilegal na droga at korapsyon. Hindi man natupad ang mga ito nang buong-buo, pero sinikap niya na ibaba to the barest minimum ang crime rate natin.
Sa katunayan, ang crime rate sa Pilipinas ay bumaba ng 73.76% mula 2016 hanggang 2021, batay sa tala ng Philippine National Police. Kaya isa sa kanyang inuna, ipinangako at ipinatupad ay doblehin ang sahod ng mga pulis, kasama na ang ibang mga uniformed personnel. Hindi maisasakatuparan ang ipinangako niyang kapayapaan kundi sa tulong ng mga pulis, at sa tulong na rin ng Anti-Drug Abuse Councils.
Dati, takot ang tao sa mga durugista. Noong panahon ni Tatay Digong, ang mga durugista na ang takot. Naramdaman ng mga Pilipino na ligtas silang maglakad sa gabi at may peace of mind ang mga magulang na nakakauwi ang kanilang mga anak nang hindi nababastos.
Malaki ang tiwala at buo ang suporta ko sa bagong administrasyon sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na mas mapapalakas pa ang kampanya natin laban sa ilegal na droga at kriminalidad upang tuluyang mabigyan ng mas ligtas at komportableng buhay ang mga Pilipino na gustong mamuhay nang tahimik at ligtas.
Sa parte natin bilang Chair ng Senate Committee on Sports, patuloy ako sa paghikayat sa kabataan na umiwas sa ilegal na droga. Kapag bumibisita tayo sa mga komunidad, palagi nating ipinapayo na ibuhos ang oras sa eskuwela at iba pang produktibong gawain, tulad ng sports. Get into sports, stay away from drugs.
Samantala, tuloy naman ang ating tanggapan sa paghahatid ng ayuda sa mga kababayan nating hindi pa rin tuluyang nakakabawi sa epekto sa kanilang kabuhayan ng pandemya at iba pang krisis.
Tulad ng dati ay inuuna nating tulungan ang mga biktima ng sunog dahil napakahirap ng kanilang katayuan, lalo na ‘yung may mga sanggol at senior citizen sa pamilya—at wala agad pagkukunan ng pangunahing pangangailangan.
Napagaan natin ang dalahin ng mga pamilyang nasunugan gaya ng 210 residente ng Bgy. 76-A Bucana, at 20 pa sa Brgy. Agdao Proper sa Davao City; at 2,126 sa Mariveles, Bataan.
Para naman sa 350 estudyante ng Payatas B Elementary School, tuwang-tuwa ang mga bata sa ating ipinagkaloob sa kanila na bagong sapatos, bags at school supplies.
Nabigyan din natin ng ayuda ang 269 na mahihirap na estudyante ng Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Pinagkalooban din natin ng tulong ang 300 na residente ng Nueva Valencia, at 285 pa sa Sibunag sa Guimaras; 107 sa City of San Jose del Monte, Bulacan; 100 sa Murcia, 296 sa Pontevedra, at 100 pa sa Talisay City sa Negros Occidental.
Umaasa rin tayo na sa nalalapit na pagtatapos ng taon ay tuluyan na tayong makalampas sa mga krisis na ating kinahaharap. At bukod sa pag-unlad ng ating ekonomiya at pag-angat ng buhay ng bawat Pilipino, hangad kong tuluyang lumaganap sa bawat dako ng ating bansa ang kapayapaan at kaayusan—na tunay na biyaya ng demokrasya sa ating lahat.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.