ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 23, 2022
Patuloy na pinupunan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang iba’t ibang posisyon sa pamahalaan at tungkulin ng Commission on Appointments—na kung saan isa ako sa mga miyembro—na suriin ang kuwalipikasyon ng mga itinatalaga.
Mahalaga ang tungkulin ng CA dahil kailangang maging sobrang mapanuri kami sa pagsala sa mga hahawak ng posisyon para matiyak na sapat ang kanilang kakayahan at karanasan para mapatakbo ang tanggapan na kanilang hahawakan, at ang magbebenepisyo ay ang mamamayang Pilipino.
Ngayong linggo ay kinumpirma natin ang appointment ni Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma. Dati na siya sa posisyong ito sa administrasyon ni dating pangulong Joseph Estrada, kaya umaasa tayong patuloy niyang pangangalagaan ang kapakanan at karapatan ng lahat ng manggagawang Pilipino.
Sinuportahan din natin ang kumpirmasyon ng 50 Flag and Senior Officers ng Armed Forces of the Philippines. Inisa-isa pa talaga nating banggitin ang kanilang pangalan dahil tayo ay nagpapasalamat sa kanilang serbisyo lalung-lalo na nitong pandemya.
Isa lang ang paalala natin, unahin ng militar at kapulisan ang interes at seguridad ng ating mga kababayan. Patuloy ninyong pagserbisyuhan ang ating mga kababayan at palagi pong uunahin ang interes ng gobyerno at ng ating bayan.
Nabanggit natin ito dahil na rin sa pangambang muling tumaas ang bilang ng mga krimen sa bansa. Anuman ang nasyonalidad ng mga biktima, mapabanyaga man ang mga ito o Pilipino, kailangang mabigyan ng sapat na proteksyon ang sinumang walang ibang ninanais kundi ang mamuhay nang maayos sa loob ng ating bansa. Kung walang matatag na kapayapaan at kaayusan, mahirap sustinihan ang paglago ng ating ekonomiya, lalo ngayon na unti-unti na tayong nakakabangon mula sa hagupit ng pandemya.
Samantala, sa kabila ng ating pagiging abala sa Senado ay hindi tayo nawawalan ng oras sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan. Patuloy tayong bumibisita sa mga komunidad upang makatulong sa mga nangangailangan, lalo na ang mahihirap nating kababayan upang makapagbigay-solusyon sa kanilang mga problema, mapakinggan ang kanilang hinaing at makapag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.
Ngayong linggong ito ay naabutan natin ng ayuda ang mga kababayan nating ang kabuhayan ay apektado pa rin ng pandemya at iba pang krisis, gaya ng 1,200 benepisyaryo sa Dumaguete City, Negros Oriental; 912 sa Mandaue City, Cebu; 383 sa Tangub City, Misamis Occidental; at 1,000 pa sa Capas, Tarlac.
Tuluy-tuloy din ang pagbibigay natin ng tulong pangkabuhayan sa mga kababayan nating may maliit na negosyo. Sa lalawigan ng Cagayan, nasuportahan natin ang 328 benepisyaryo sa Gattaran; 549 sa Sanchez Mira; 149 sa Baggao; 132 sa Gonzaga at Sta. Ana; 192 sa Iguig, Piat, Tuao at Sto. Niño; at 89 pa sa Alcala.
Sa tulong ng mga ahensya ng gobyerno, nabigyan ng dagdag na puhunan ang mga maliliit na negosyo sa Camiguin, gaya ng 474 sa Catarman; 220 sa Mahinog; 620 sa Mambajao; 115 sa Sagay; at 95 pa sa Guinsiliban. Sinuportahan din natin ang mga taga-Leyte, tulad ng 600 benepisaryo sa Tacloban City; 130 sa Abuyog; at 50 pa sa Isabel. Natulungan din natin ang 200 katao sa Maasin City, Southern Leyte.
Sa Northern Samar, 302 benepisaryo mula sa Catarman ang ating naalalayan; at 200 pa sa Lope de Vega. Sa Agusan del Sur, naayudahan natin ang 67 benepiaaryo sa Rosario; at 66 pa sa San Luis. Umabot sa 250 benepisyaryo naman mula sa Bacuag at Claver, Surigao del Norte ang nabigyan ng tulong.
Pinuntahan din natin ang iba pang komunidad para maabutan ng tulong pangkabuhayan tulad ng 764 benepisaryo sa Maria, Lazi, San Juan at Enrique Villanueva, at 402 sa Siquijor, Siquijor; 591 sa Caloocan City; 223 sa Laoag City, Ilocos Norte; at 200 pa sa Marikina City.
Kahapon naman, Setyembre 22, ay personal kong binisita ang ating mga kababayan sa Malabon City at Quezon City kasama si Senator Ronald “Bato” dela Rosa at ang representative mula sa opisina ni Senator Francis “Tol” Tolentino. Nag-abot tayo ng ayuda sa halos kalahating libo nating mga kababayan doon.
Pinayuhan namin ang mga benepisaryo na palaguin ang kanilang puhunan para sa kanilang pamilya. Masarap sa pakiramdam kapag galing sa sariling pawis at pagsisikap ang kinikita. Salamat sa DSWD at iba pang ahensya sa mga programa nilang pangkabuhayan. Sa pamamagitan ng iba’t ibang inisyatibong ito, mabibigyan ang mga nangangailangan ng puhunan, tuturuang magnegosyo at tutulungang palaguin ito upang masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon mula sa pandemya.
Mga kapwa natin Pilipino, kapakanan at kaligtasan ninyo ang ating prayoridad. Sa gitna ng paghahatid ng serbisyo, titiyakin ko rin na ramdam ninyo ang kapayapaan at kaayusan sa ating bayan. Asahan ninyo, anumang krisis at problema ang ating kinahaharap, palaging una ang interes at buhay ng bawat Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.