ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Oct. 12, 2024
Bilang mga lingkod-bayan, may pananagutan tayo sa taumbayan. Ang bawat aksyon at kawalan ng aksyon natin ay sumasalamin sa ating mandato na magserbisyo sa kapwa.
Ang bawat opisyal ay dapat na may isang salita dahil tiwala ng taumbayan sa gobyerno ang nakasalalay rito. Kaya naman sa nakaraang public hearing para sa panukalang budget ng Department of Health, mariin ang paalala natin sa DOH at mga attached agencies nito, gaya ng PhilHealth, na ang hinihingi ng taumbayan ay isang salita at palabra de honor.
Iba’t ibang commitments ang inilatag ng PhilHealth kasunod ng paulit-ulit na panawagan ng inyong Senator Kuya Bong Go na mas pagandahin nito ang serbisyo at mga benepisyo. Trabaho natin na bantayan at hindi tigilan ang PhilHealth hanggang matupad ang mga pangakong nito.
Para patunayan ang kanilang sinseridad at bago aprubahan ang budget sa kalusugan, humihingi tayo ng signed commitment letter mula sa PhilHealth na tutuparin nila ang lahat ng kanilang mga ibinahaging pangako sa mga nakaraang pagdinig ng Senate Committee on Health na tayo ang chairman.
Kabilang sa mga repormang ito ang pagtataas sa case rates o halagang sasagutin ng PhilHealth; dagdagan pa ang mga sakit na puwedeng i-cover; ibaba ang contribution o kaltas sa sahod ng mga regular member; palawakin ang benefit packages katulad ng para sa dental, visual at mental health; magbigay ng mga assistive devices, tulad ng wheelchairs at salamin, ayon sa rekomendasyon ng mga doktor; magpamahagi ng libreng gamot; at rebisahin ang mga outdated na polisiya tulad ng 24-hour confinement rule kung saan kailangan pang ma-confine sa ospital ang maysakit para lang ma-cover ng PhilHealth, at ang hindi pagsama sa emergency care sa mga benepisyong covered ng PhilHealth.
Bagama’t nasimulan na ang reporma sa pamamagitan ng pagtanggal sa hindi makataong single period of confinement policy kung saan maaari lang i-cover ng PhilHealth ang sakit isang beses sa loob ng 90 araw, simula pa lamang ito sa mga ipinaglalaban nating reporma upang maproteksyunan ang buhay at kalusugan ng bawat Pilipino.
Sa parte ng DOH, hinihingi naman natin sa kanila na ipakita ang kanilang dedikasyon at sinseridad na titiyakin nila na ang tulong pampagamot ay magiging accessible sa sinuman ayon sa Universal Health Care Law at Malasakit Centers Program Law na ating isinulong bilang principal sponsor at author ng naturang batas. Importanteng masiguro ang uninterrupted at unhampered operations ng Malasakit Centers dahil ito ang nilalapitan ng mga mamamayan upang makahingi ng tulong pampagamot mula sa gobyerno.
Sa datos ng DOH ay umaabot na sa mahigit 15 milyong Pilipino ang natulungan ng Malasakit Centers. Batas na ito at malaki ang pakinabang lalo na ng mahihirap na pasyente. Huwag nating ipagkait sa mga Pilipino ang serbisyo at malasakit na ang pondo ay galing din naman sa kaban ng bayan o sarili nilang bulsa.
Paalala ko sa mga kapwa ko public servants, hindi pribilehiyo kundi karapatan ng taumbayan na sila ay mapagserbisyuhan. Ilapit natin ang serbisyo sa tao at huwag pahirapan ang mga naghihirap na.
Samantala, naging panauhing tagapagsalita tayo noong October 9 sa ginanap na 3rd National Convention ng Philippine Alliance of Retired Educators na idinaos sa Pasay City. Nagbigay tayo ng suporta sa mga dumalo at pinahalagahan ang papel ng mga guro sa paghubog ng mga kabataan na itinuturing na pag-asa at future leaders ng bayan.
Binisita rin natin ang mga kababayan natin sa Bulacan at personal na namahagi ng tulong para sa 1,500 mahihirap sa Hagonoy. Katuwang si Mayor Baby Manlapaz, isinulong natin na mabigyan ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan.
Nasa Tarlac City naman ang aking Malasakit Team kahapon, October 11, at nag-inspeksyon sa itinayong Super Health Center sa lugar. Nakapagpaabot din tayo ng tulong katuwang si Mayor Cristy Angeles para sa 2,000 mahihirap na residente, na napagkalooban din ng tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan. Ginanap ang pamamahagi ng tulong sa Gymnatorium na ating sinuportahang maipatayo.
Sinaksihan din ng aking opisina ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Buenavista, Quezon noong araw na iyon.
Nagtungo naman ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para maghatid ng tulong sa ating mga kababayan. Tinulungan natin ang 34 biktima ng sunog sa Brgy. Lapasan, Cagayan de Oro City at ang 42 na binaha at biktima ng landslide sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Binalikan natin at muling binigyan ng tulong ang mga nawalan ng tirahan sa Lanao del Sur kabilang ang 308 sa bayan ng Picong at 197 sa Malabang. Nakatanggap din sila ng tulong pinansyal mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales tulad ng mga pako at yero na pampaayos ng tahanan.
Naayudahan din ang mga mahihirap nating kababayan gaya ng 740 sa San Vicente, Camarines Norte katuwang si Mayor Jhoana Ong; at 750 sa iba’t ibang bayan sa Southern Leyte kaagapay sina Gov. Damian Mercado at BM Ina Marie Loy.
Patuloy ang ating suporta sa mga nawalan ng hanapbuhay, na sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho. Naging benepisyaryo ang 469 sa Villanueva, Misamis Oriental katuwang sina Mayor Jennie Uy-Mendes at VM Jeric Emano; 130 sa Solano, Nueva Vizcaya kaagapay si VG Eufemia Dacayo; 77 sa Lingig, Surigao del Sur kasama si Mayor Elmer Evangelio; 145 sa Mabini, Davao de Oro katuwang si VG Tyron Uy; at 42 sa Ormoc City, Leyte kaagapay si Mayor Lucy Torres Gomez.
Natulungan din natin ang mga mahihirap na manggagawa sa Guimaras kabilang ang 36 sa Nueva Valencia katuwang si Kap. Veronica Ortiz; 90 sa Jordan kaagapay si Kap. Marcelo Malones Jr.; 36 sa San Lorenzo kasama si Kap. Evelina Salcedo; at 36 pa sa Buenavista. Sa Iloilo, natulungan din ang 30 sa Tigbauan at 30 sa Tubungan katuwang si VG Tingting Garin.
Tulong pangkabuhayan naman ang ating isinulong bukod sa suporta mula sa aking tanggapan na ating ipinamahagi para sa mga maliliit na negosyante sa Davao de Oro kabilang ang 50 sa Mawab, 70 sa Maco, 50 sa Montevista at 80 sa Compostela katuwang din ang kanilang mga LGU.
Nagkaloob din ang aking tanggapan ng karagdagang tulong para sa 333 estudyante sa General Trias City, Cavite katuwang si BM Morit Sison. Sinuportahan naman natin ang 79 scholars mula sa iba’t ibang unibersidad sa Pangasinan.
Ilapit natin ang serbisyo sa mga taong nangangailangan. Patuloy akong magseserbisyo sa mga kapwa Pilipino sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala akong ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.