ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 5, 2022
Sa naganap na hearing ng Senate Committee on Finance tungkol sa budget ng Department of Health noong Oktubre 3 ay binigyang-diin natin na napakahalaga para sa ahensya ang kanilang magiging pondo para sa 2023 habang unti-unti tayong bumabangon mula sa pandemya. Ngayon ang tamang panahon para mag-invest tayo sa pagpapalakas sa healthcare system.
Pinasalamatan natin ang mga healthcare workers na hanggang ngayon ay patuloy na nagsasakripisyo para isalba ang buhay ng mga kapwa nila Pilipino. Ipinaalala rin natin na dapat mabayaran ang hindi pa nila nakukuhang allowances na itinakda sa Republic Act 11712, o ang Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers. Nagtaya ng buhay ang ating health workers at hindi iyon mababayaran ng kahit anuman.
Mahalaga rin sa akin na patuloy nating pagandahin ang mga pampublikong ospital na karamihan ay mahihirap na kababayan natin ang pumupunta. Sa dami ng nangangailangan ng serbisyong pangmedikal, paano gagaling ang mga pasyente na nagsisiksikan sa ospital? Saksi tayo rito sa madalas na pagbisita sa mga probinsya.
Noong 18th Congress ay nakapagpasa tayo ng 69 batas para sa pagpapaganda at pagpapatayo ng mga pampublikong ospital sa buong bansa. Kaya asahan ninyo na bilang Chairman ng Committee on Health, handa tayong tumulong sa DOH.
Sabi nga ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang unang SONA, kailangang mailapit natin ang healthcare system sa taumbayan ng hindi nila kailangang pumunta sa sentro ng kanilang bayan, lalawigan o rehiyon. Kaugnay nito, dapat nating tiyakin na may sapat na pondo para sa Health Facilities Enhancement Program, at para sa patuloy na pagtatayo ng Super Health Centers na isinulong natin sa budget ngayong taon.
Bukod sa sapat na pasilidad, equipment at medical personnel, importante rin na bigyan ng dagdag-pondo ang mga programang nagbibigay ng direktang tulong-pinansyal sa ating mga kababayan, tulad ng Medical Assistance to Indigent Patients. Marami sa mahihirap nating kababayan ang walang ibang matatakbuhan at umaasa lang sa tulong ng gobyerno kapag sila ay naoospital. Ang iba nga ay ayaw magpaospital dahil takot sa malaking babayaran.
Ito ang dahilan kaya ipinasa natin ang Republic Act 11463 o ang Malasakit Centers Act noong 18th Congress para maging madali sa ating mga kababayan ang pagkuha ng tulong medikal mula sa pamahalaan. Dapat nating tiyakin ang patuloy na operasyon ng mga Malasakit Center lalo na’t marami itong natutulungang mahihirap na pasyente. Siguraduhin nating hindi balakid ang kahirapan sa pagpapagamot. Pera naman ng taumbayan ito, ibinabalik lang natin sa kanila sa pamamagitan ng mabilis, maayos, at maaasahang serbisyong pangmedikal na makukuha nila mula sa Malasakit Centers.
Importante ring mabigyan ng sapat na pondo ang mga batas na ipinasa natin sa pag-upgrade o pagtatayo ng pampublikong ospital, tulad ng Joni Villanueva General Hospital sa Bocaue, Bulacan. Ayaw nating nakatiwangwang at masayang ito dahil baka mas mahal pa yung lupa kaysa sa ospital na itinayo, at nasa strategic locations.
Tinukoy din natin na ang dagdag sa subsidiya sa PhilHealth mula P80 bilyon ngayong 2022 ay naging P100 bilyon sa 2023, at dapat magamit ito ng PhilHealth sa dagdag ng benepisyo na sakop ng Universal Healthcare Law gaya ng para sa dialysis at pagpapalawak ng Konsulta program. Sa Konsulta program, sagot ng PhilHealth ang pagpapa-check-up o laboratory test sa isang PhilHealth-accredited health facility. Dapat gawing libre ang pagpapa-check-up para hindi natatakot ang ating mga kababayan na alamin ang kalagayan ng kanilang kalusugan.
Hiniling din natin na dagdagan ang pondo sa specialty hospitals tulad ng Lung Center of the Philippines, Philippine Heart Center at National Kidney and Transplant Institute. Ang malalaking ospital na ito ang pinakapinupuntahan ng ating mahihirap na kababayan, kaya dapat masuportahan ang patuloy na pag-improve ng kanilang serbisyo.
Dapat may sapat na pondo para sa mga programa laban sa cancer, tuberculosis at mental health disorders, lalo na’t maraming apektado ang mental health ngayong panahong ito ng krisis sa bansa. At habang patuloy ang pagbabakuna laban sa COVID-19, hindi natin dapat kalimutan na labanan din ang iba pang vaccine-preventable diseases, tulad ng polio at measles.
Palagi nating tandaan na hindi pa tapos ang pandemya at delikado pa rin ang panahon habang nariyan pa ang COVID-19. Huwag tayo magkumpiyansa. Siguraduhin nating makarating ang bakuna sa mga nangangailangan nito dahil ang bakuna lamang ang tanging susi at solusyon ngayon para makabalik tayo sa normal na pamumuhay.
Napakahalaga ng buhay at kalusugan ng mga Pilipino, kaya sinuportahan at iniendorso natin ang dagdag-pondo para sa kalusugan. At tulad ng palagi nating paalala sa lahat ng ahensya ng gobyerno, siguraduhin nating magagastos ang pondo sa tama at naaayon sa batas—at ang mahihirap nating kababayan ang higit na dapat makinabang.
Huwag nating sayangin ang mga sakripisyo natin nitong nakaraang mga taon. Matuto tayo sa nangyari nitong pandemya at sikaping maging mas handa sa anumang krisis pangkalusugan na maaaring dumating pa. Higit sa lahat, siguraduhin nating walang maiiwan sa ating muling pagbangon bilang nagkakaisa at mas matatag na sambayanang Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.