ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 16, 2022
Nagkaroon ng deliberasyon sa Senado noong Nobyembre 10 hanggang madaling-araw ng Nobyembre 11 para sa 2023 budget ng Philippine Sports Commission at ng Games and Amusement Board. Bilang Chair ng Senate Committee on Sports at Vice-Chair ng Senate Committee on Finance, inisponsoran ng inyong lingkod ang pondo ng dalawang ahensya, kasabay ng apela sa mga kapwa mambabatas na dapat ipagpatuloy ng pamahalaan ang mas malawak na suporta sa mga atletang Pilipino.
Suportado natin, hindi lang ang mga national athlete na sumasalang sa international competitions, kundi pati na rin ang mga promising athlete na may potential. Binigyang-diin ko rin na mahalaga ang may sapat na pondo para masuportahan ang mga kinakailangang programang pampalakasan, lalo na sa grassroots level para mahasa ang kakayahan at mapalakas ang kumpiyansa ng ating mga manlalaro, lalo na ang mga sumasabak sa international competitions.
Ang panukalang budget ng PSC para sa 2023 ay itinaas natin sa P1 bilyon para sa preparasyon, pagsasanay at paglahok ng ating mga atleta sa gaganaping 2024 Paris Olympics, 2023 Southeast Asian Games, 2023 Asian Games, ASEAN Para-games at iba pa. Kasama na rin ang pagho-host natin ng 2023 FIBA World Cup, sports infrastructure development, tulong-pinansyal sa mga atleta at inisyatiba para sa grassroots sports development tulad ng Philippine National Games, na plano nating ma-institutionalize kapag tuluyang naisabatas ang isinumite nating panukala. May nakalaan ding P30 milyon para sa umiiral na Batang Pinoy grassroots sports program ng PSC.
Kabilang sa dalawang malalaking programa ng PSC sa ilalim ng National Sports Development Plan ang Duyan ng Magiting para sa grassroots program at ang Gintong Laban na elite program. Ang Duyan ng Magiting ay kombinasyon ng national competition projects at sports-for-all activities. Sa ilalim nito, ang local government units at ang pamilya ng mga atleta ay katuwang para maisakatuparan ang mga layunin nito. Sa kabilang banda, ang Gintong Laban ay nasa itaas ng National Sports Development Plan at nakapokus sa high-performance sports development ng ating national athletes sa pamamagitan ng pagkakaloob sa mga ito ng training allowance, performance incentives, uniporme at kagamitan, serbisyong medikal, tulong-pinansyal at iba pa.
Binigyang-diin din natin sa ginanap na deliberasyon na kailangang matiyak ang paglalaan ng karagdagang pondo para sa National Academy of Sports (NAS) na nasa New Clark City Sports Complex sa Tarlac dahil napakaraming matutulungan nito na mga batang atleta. Pangarap nating magkaroon sa ating bansa ng sports academy na tututok sa kabataang Pilipino na may potensyal sa sports. Naisakatuparan natin ito sa pamamagitan ng Republic Act 11470, na siyang nagtayo sa NAS, na aking inakda noong 18th Congress. Nag-o-offer ang NAS ng secondary education program na may kaakibat na special curriculum sa sports sa pakikipagtulungan ng Department of Education at ng PSC. Libre ang pag-aaral dito, kaya bukod sa mahahasa ang kakayahan ng mga batang atleta, nabibigyan din sila ng oportunidad na mapaangat ang kanilang kalagayan sa buhay sa pamamagitan ng edukasyon.
Ngayong 19th Congress ay isinumite natin naman ang Philippine National Games bill na layuning magkaroon ng ugnayan ang pagpapalaganap ng grassroots sports program sa national sports development. Sa PNG, lahat ng mga may potensyal sa iba’t ibang larangan ng palakasan ay mabibigyan ng pantay na oportunidad na makasali sa mga international sporting events. Kung mahahanap natin sa bawat sulok ng Pilipinas ang pinakamagagaling na atleta, ito rin ang magiging daan para kilalaning muli ang Pilipinas bilang “Sports Powerhouse of Asia.”
Ipinaalala naman natin sa PSC na para mas mapalakas ang mga programa nito at masiguro na ang pondo ng bayan ay magagamit nang tama, epektibo at naaayon sa mandato nito at mga umiiral na batas, dapat nilang tiyakin na matatanggap ng mga atletang Pilipino ang lahat ng suportang nakalaan para sa kanila.
Huwag din nating kalimutan ang mahihirap nating mga kababayan na may potensyal sa larangan ng palakasan. Alalayan at gabayan natin sila upang magtagumpay, hindi lang sa laro, kundi pati na rin sa buhay. Tandaan, bukod sa mga atleta ay mayroon din silang pamilyang umaasa na makaahon sa kahirapan at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.
Samantala, bilang avid basketball fan at supporter, naniniwala tayong walang lugar ang violence o karahasan sa larong ito—at maging sa ibang sports din—kaya labis tayong nalulungkot sa nangyari sa laro sa pagitan ng Jose Rizal University at ng College of St. Benilde kamakailan. Gabayan natin at payuhan ang kabataang atleta na dapat magsilbi silang mabuting huwaran sa mga bata.
Bukod sa ating hangarin na mas mapaunlad ang mga programang pampalakasan sa ating bansa, isa ring paraan ang sports para mailayo ang kabataan sa kaaway ng droga. Tulad ng madalas nating ipayo sa kanila, get into sports and stay away from drugs.
Naitatampok din ang ating bansa kapag may international competitions at nakahihikayat sa maraming turista para bumisita rito, bukod pa ang mga oportunidad pang-ekonomiya. Ang investment sa sports ay investment sa kinabukasan ng buong sambayanang Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.