ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 6, 2023
Marami sa ating mga kababayan ang patuloy na nangangailangan ng tulong, kaya simula pa lang ng 2023 ay wala na tayong sinasayang na oras para maghatid ng serbisyo, mabigyan ng ayuda, maalalayan at mapagkalooban ng mga para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan sa abot ng ating makakaya.
Tinutukan ng ating tanggapan ang mga binaha noong Kapaskuhan sa Misamis Oriental. Noong January 2 ay nagpunta tayo sa bayan ng Magsaysay upang alamin ang kalagayan at pagkalooban ng tulong ang 1,308 apektadong residente. Nakatuwang natin ang Department of Social Welfare and Development na nagbigay ng hiwalay na tulong-pinansyal sa mga benepisaryo.
Nakarating naman ang aking relief team ngayong linggo sa Gingoog City, Salay, Medina, Balingoan, Balingasag, Kinoguitan, Lagonglong at Binuangan para mamahagi sa mga residente sa mga lugar na nabanggit ng food packs, mga kamiseta, payong at bola ng basketbol.
Hindi rin natin kinaligtaan ang mga pamilya sa Purok Aroma Uno, Poblacion, Lupon, Davao Oriental, na nasunugan.
Sa tuwing magsasagawa tayo ng relief effort ay ipinararating ng inyong Senador Kuya Bong Go sa mga benepisaryo ang mensahe ng pag-asa. Ang importante ay buhay tayo at walang nasaktan. Ang gamit, ating nabibili ‘yan. Ang mga damit na nabaha, nalalabhan ‘yan. Ang pera, kikitain natin ‘yan. Subalit ang buhay na nawala, hindi na 'yan mapapalitan. Kaya pangalagaan natin ang buhay ng bawat isa.
Patuloy tayo sa layuning mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino, mabigyan sila ng dekalidad na serbisyong-medikal at mapalakas ang healthcare system.
Samantala, ayon sa ulat ng Department of Health, 7,481,333 Pilipino na ang nakinabang sa Medical Assistance for Indigent Patients Program na karamihan ay naka-avail sa pamamagitan ng Malasakit Centers mula nang magsimula ito noong 2018. Sa 2022, mahigit 1.4 milyong pasyente naman ang natulungan nito, samantalang PhP14.6 bilyon naman ang halaga ng tulong na naipamahagi nito noong nakaraang taon.
Matapos ang monitoring visit ay sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Montevista, sa Davao de Oro pa rin. Malaking tulong ang SHC sa Montevista na may 20 barangay, at batay sa 2020 census ay nasa 46,558 ang populasyon. Magkakaloob ito ng mga serbisyo, tulad ng outpatient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: X-ray, ultrasound), pharmacy, ambulatory surgical unit, at iba pa. Maaari rin itong magsilbing satellite vaccination sites kapag may immunization na isasagawa ang Department of Health.
Matapos ang groundbreaking ay pinangunahan natin ang pamamahagi ng ayuda sa mahigit kumulang 500 residente na nahaharap sa iba’t ibang krisis.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health ay target natin na mas maraming maitatag na Malasakit Center, at maitayong Super Health Center. Napakahalaga na maproteksyunan ang mga Pilipino, at mapangalagaan ang kanilang kalusugan. Umaasa tayo na mas mapapalakas pa ang public health care system ng ating bansa lalo na at matagumpay nating naisulong ang karagdagang pondo para sa iba't ibang health initiatives na makatutulong sa ating mga kapwa Pilipino ngayong taon.
Simulan natin ang 2023 sa pagmamalasakit sa ating kapwa, pagmamahal sa bayan, pananalig sa Diyos at pakikiisa sa ating pamahalaan sa layuning makabangon ang bansa mula sa iba’t ibang krisis at sabay-sabay nating maramdaman ang pag-unlad.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.