ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 19, 2023
Una sa listahan ng mga prayoridad natin ang tulungan at proteksyunan ang mahihirap—hopeless at helpless nating mga kababayan, na walang ibang matakbuhan maliban sa pamahalaan.
Tulad ng maraming mahihirap na humingi ng tulong sa kanilang pampaospital, ubos na ang panahon nila, ubos pa ang pera nila sa pamasahe.
Bakit ba natin pinahihirapan ang mga Pilipino kung pera naman nila 'yan? Ibalik ang pera sa mahihirap sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyong nararapat.
Kaya noong naging senador ang inyong lingkod, bilang Chair ng Senate Committee on Health ay itinulak natin ang panukalang Malasakit Centers Act of 2019 o ang Republic Act No. 11463.
Target nito'y ibaba sa lowest amount possible ang hospital bill para maibsan ang pasakit ng mahihirap na nagkakasakit. Sa kasalukuyan ay mayroon na tayong 153 Malasakit Centers sa buong bansa mula nang sinimulan ang programa noong 2018 at maisabatas noong 2019. Iniulat din ng DOH na mahigit pitong milyong Pilipino na ang natulungan ng Malasakit Centers—mula Batanes hanggang Tawi-Tawi. Basta Pilipino, lalo na kung poor o indigent patient, qualified sa mga serbisyo nito.
Mahalagang patuloy na ilapit sa tao ang mga serbisyo ng gobyerno, lalo na pagdating sa kanilang kalusugan.
Sa naobserbahan natin nang pumutok ang pandemya, kailangang mas lalong palakasin ang healthcare system. Bukod sa pagpapatayo ng mga bagong ospital at pagpapaganda ng mga existing na, isinulong din natin ang pagkakaroon ng Super Health Center (SHC), partikular sa malalayong lugar.
Ang SHC ay improved version ng mga rural health clinic, mas maliit lang sa polyclinic, pero ang kagamitan at pasilidad ay maihahalintulad sa mga ospital na kayang makapagbigay ng basic health services. Kapag may nagkasakit sa malayong lugar, hindi nila kailangang pumunta o bumiyahe sa malalaking ospital na kadalasan ay nasa mga siyudad dahil kaya na silang asikasuhin dito, lalo na ang mga manganganak at iba pang emergency cases.
Kabilang sa mga serbisyong ipagkakaloob sa SHCs ang database management, outpatient, pagpapaanak, pagpapabunot ng ngipin, isolation, diagnostic (laboratory: X-Ray at ultrasound), pharmacy at ambulatory surgical unit. Maaari ring suriin kung may diperensya sa eye, ear, nose and throat (EENT); oncology centers; at physical therapy and rehabilitation centers. Makapagsasagawa rin ng telemedicine, kung saan puwedeng magpakonsulta ang pasyente sa pamamagitan ng pagtawag sa doktor.
May mga nasimulan na noong nakaraang taon dahil 307 SHCs ang napondohan noong 2022. 322 SHCs naman ang target na maipatayo ng gobyerno ngayong taon gamit ang pondong ipinaglaban nating maisama sa 2023 national budget.
Suportado rin natin ang mga inisyatiba ng mga lokal na pamahalaan para mapaganda ang serbisyo sa kanilang mga nasasakupan. Nitong January 16 ay personal nating sinaksihan ang pagbubukas ng mga bagong Multi-Purpose Building sa Bgy. Batasan Hills at sa Bgy. Commonwealth sa Quezon City. Malaking tulong ang mga bagong gusaling ito para sa komunidad doon.
Bilang Vice-Chair ng Senate Committee on Finance, naging instrumento tayo para mapondohan ang mga proyektong ito kasama ang local officials nila. Ipagpatuloy lang natin ang pakikipagtulungan para tuluy-tuloy din ang pag-unlad ng mga komunidad ninyo. Nandito lang tayo at tutulong sa abot ng ating makakaya.
Samantala, isa nang ganap na Filipino citizen ang basketball player na si Justin Brownlee matapos ang kanyang oath of allegiance sa Senado noong January 16. Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, naniniwala tayong malaki ang maitutulong ni Justin bilang isa sa magiging manlalaro ng Gilas Pilipinas. To Mr. Brownlee, ngayon na isa ka nang ganap na mamamayan ng bansang Pilipinas, nawa’y patuloy mong isapuso ang pagiging isang Pilipino!
Umaasa tayong ang suportang ibinibigay natin sa mga atleta ay magiging gabay rin upang mailayo ang kabataan sa masasamang bisyo at mailapit sa tamang landas sa pamamagitan ng mga magagandang ehemplong ipinakikita ng mga atletang kanilang iniidolo anumang koponan at anumang sports ito. Tulad ng madalas nating payo, get into sports, stay away from drugs.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.