ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Pebrero 22, 2023
Excited ako sa pagsapit ng bawat weekend, hindi dahil makakapagpahinga ako kundi mas marami akong oras para ilapit ang serbisyo sa ating mga kapwa Pilipino. Dahil bisyo ng inyong Senador Kuya Bong Go ang magserbisyo, hindi na uso sa akin ang salitang pahinga. Sa totoo lang, mas nare-relax ako kapag pumupunta ako sa mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa, nakakausap ang mga tao, naririnig ang kanilang mga karaingan, lalo na ng mahihirap at walang ibang malalapitan kundi ang pamahalaan, at sa abot ng aking makakaya ay nakakapag-abot sa kanila ng kaunting tulong at nakakapaghatid ng ngiti sa kanilang mga labi. Pinauunlakan din natin ang mga pagtitipon na may kaugnayan sa mga programa at proyekto ng mga lokal na pamahalaan para sa ikabubuti ng paghahatid ng serbisyo ng pamahalaang nasyonal sa kanilang mga nasasakupan. Noong Pebrero 19, sa imbitasyon ng lokal na pamahalaan ng Aurora, nakiisa tayo kasama ang kapwa natin mambabatas na si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, sa selebrasyon ng kanilang 44th founding anniversary kasabay ng ika-135 na kaarawan ni Doña Maria Aurora Quezon, asawa ni dating pangulong Manuel Luis Quezon. Naging guest of honor and speaker tayo sa okasyon. Nagsagawa rin tayo ng monitoring visit sa Malasakit Center na nasa Aurora Memorial Hospital sa Baler, at nagkaloob ng ayuda para sa mga pasyente at frontliners ng nasabing ospital. Sa araw ding ito, isinagawa ang inagurasyon ng Super Health Center sa Dipaculao, Aurora. Hindi man tayo personal na nakapunta para saksihan ‘yun dahil sa masamang panahon, naru’n ang ating outreach team at sinamahan ang ilang taga-Department of Health at lokal na opisyal. Nagpadala rin tayo ng tulong para sa mahihirap na residente ng Dipaculao. Kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte, dumalo tayo sa Special Thanksgiving at Worship Presentation ng Kingdom of Jesus Christ sa pangunguna ni Pastor Apollo Quiboloy, na ginanap sa Ynares Center sa Antipolo City. Nakiisa rin sa okasyon ang aking mga kasamahan sa Senado na sina Sen. Robin Padilla at Sen. Francis Tolentino, at ilan sa mga dating miyembro ng gabinete ni Tatay Digong. Sa aking mga gawain sa Senado, prayoridad ko ang buhay, kaligtasan at kalusugan ng ating mga kapwa Pilipino. Dahil sa naganap na malakas na lindol sa Turkey at libu-libo sa kanilang mamamayan ang namatay, dapat nating paghandaan ang ganitong senaryo.
Nai-file natin ang Senate Bill No. 1181 para maamyendahan ang National Building Code of the Philippines, at matiyak na ang lahat ng itatayong pampubliko at pribadong gusali at istruktura sa ating bansa ay matitibay laban sa natural and man-made calamities. Ang ating building code ay naisabatas noon pang 1977, panahon nang pag-aralan natin ito at tingnang mabuti kung naaayon pa ito sa kasalukuyang panahon, at kung nasusunod pa ba. Natutuwa rin ako sa pag-anunsyo ng PhilHealth ng pag-expand sa dialysis coverage sa 156 sessions mula 90 sessions. Noon ko pa priority ang karagdagang dialysis session dahil kawawa ang mga kababayan nating mahirap, walang pagkukunan na nagtatrabaho para lang ibayad sa ospital. Dapat nating gamitin ang pondo ng PhilHealth para tulungan sila, at kung maaari nga lang ay libre. Naiintindihan ko ang katayuan ng ating mga dialysis patients, napakahirap magkasakit lalung-lalo na kapag ikaw ay mahirap. Sa katunayan, nai-file ko rin sa Senado ang Senate Bill No. 190, na nag-aatas sa PhilHealth na magkaloob ng libreng dialysis sa lahat ng miyembro nito. Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Local Government noong Lunes, tinalakay ang aking panukala para sa expansion ng Special Education Fund. Binigyang-diin natin na hindi lahat ng LGUs ay pantay-pantay. Ang mayayamang LGUs ay kayang pondohan ang pangangailangan ng kanilang mga estudyante, subalit ang mga mahihirap na LGUs ay umaasa lang sa SEF allocation na may restrictions pa ang paggamit. Ito ang dahilan kaya gusto nating mapalawak ang gamit ng SEF at makatulong sa pagsasaayos ng education system, saanmang parte ng bansa. Kahapon naman ay nagsagawa ng pagdinig sa Senado ang Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement kung saan natalakay ang nai-file kong Senate Bill 192 o ang Rental Subsidy Program Bill. Napakahirap mawalan ng tirahan at magsimula ulit kung sa isang iglap ay mawala lahat ang iyong pinaghirapan. Back to zero talaga.
Kaya kahit sa simpleng paraan, dapat tumulong ang gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidiya sa renta para sa mga nasalanta ng kalamidad o sakuna habang wala pang permanenteng tirahan. Bukod pa r’yan, isinulong ko rin sa Committee on National Defense hearing ang nai-file kong Senate Bill 193 na Mandatory Evacuation Center para matiyak na ligtas at kahit paano ay may komportableng matutuluyan ang mga nasalanta ng kalamidad. Ilan lamang ito sa aking isinusulong dahil sa tuwing bumababa ako sa mga komunidad ay problema sa tinitirahan ang kanilang hinaing. Samantala, hinggil sa naging kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad, bilang senador at naging parte ng nakaraang administrasyon, alam ko na ginawa lang ni dating Pangulong Duterte ang kanyang sinumpaang tungkulin para sa kaligtasan ng mga Pilipino at kinabukasan ng ating mga anak. Gaya nang sinabi ko noon, hayaan natin ang mga Pilipino ang humusga kung mas nakakalakad ba sila sa gabi nang hindi nababastos at hindi nasasaktan ang kanilang mga anak. Hindi dapat banyaga ang humusga sa naging kampanya ng nakaraang administrasyon laban sa ilegal na droga dahil buhay na buhay naman ang demokrasya sa ating bansa, mayroon tayong rule of law na pinapairal at may sarili naman tayong mga korte na nananatiling malaya at mapagkakatiwalaan. Pilipino na ang bahala sa kanya. Hinihikayat ko ang ating mga kababayan na ipaglaban natin si Tatay Digong dahil ginawa niya ang kanyang trabaho para sa ating mga kababayan. Muli, habang patuloy tayo sa unti-unting pagbabalik sa normal na pamumuhay, narito lang ang inyong Senador Kuya Bong Go na patuloy na maghahatid ng serbisyo sa kanyang kapasidad at abot ng makakaya. Hindi ako mapapagod sa pag-alalay sa lahat ng Pilipino, lalo na sa mahihirap at higit na nangangailangan. Lagi kong gabay ang aking paniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.