ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Oct. 30, 2024
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee nitong Lunes para sa war on drugs na inilunsad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng dating administrasyon para muling ipadama sa publiko ang malaking benepisyo ng isang tahimik at mapayapang komunidad.
Mismong si dating Pangulong Duterte ang muling naglahad kung gaano kalakas ang impluwensya ng mga sindikato ng droga nang mga panahon na itinuturing na salot ng lipunan. Kamay na bakal ang kinailangan noon ng buong bansa kaya naman hindi lang nanalo sa eleksyon, natapos pa ang termino ni dating Pangulong Duterte na may napakataas na approval rating.
Muli ring nasaksihan ng publiko kung gaano katindi ang galit ng dating pangulo sa mga taong sangkot sa pagpapalaganap ng ilegal na droga. Buo ang suporta noon ng Duterte administration sa kapulisan. Pero kung mismong ang mga pulis na ang sangkot sa droga, hindi niya pinalampas ito.
Sabi nga ng dating pangulo, ang war on drugs ay hindi para manakit o pumatay ng tao. Ito ay para proteksyunan ang taumbayan na walang kalaban-laban sa mga sindikatong naghahari-harian noon sa mga lansangan. Walang katotohanan ang mga paratang na state-sanctioned violence.
Ang inyong Senator Kuya Bong Go mismo, saksi noon sa maraming mga buhay na naisalba mula sa droga. Kung kaya’t kasama ninyo ako sa panalangin na hindi sana masayang ang mga nasimulan ng dating administrasyon.
Bilang chairperson ng Senate Health, Sports, at Youth Committees, at vice chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, binigyang-diin natin na ang ilegal na droga ay hindi lang isyu ng kaayusan kundi isa ring isyung pangkalusugan. Itinuturing itong sakit ng lipunan na dapat bigyang lunas upang maiwasan at hindi kumalat lalo na sa mga kabataan.
Kung kaya’t isinusulong natin na maisaayos dapat ang rehabilitation process ng mga sumuko at nais magbagong buhay lalo na ngayon na nagiging sagabal ang mahabang proseso ng pagkuha ng commitment order mula sa korte para lang makapagpa-rehab ang mga nais magpa-rehab.
Layunin din nating makalikha ng mga batas na magpapalakas ng laban kontra droga sa paraang napoprotektahan ang karapatang pantao ng bawat Pilipino. Kasama na rito ang aking nai-file na mga panukala tulad ng SBN 428 na nagnanais magtayo ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers sa bawat probinsya, at ang SBN 2115 na nais magbigay ng vocational and livelihood programs sa mga rehabilitated drug dependents. Bukod pa rito, nais din nating magkaroon ng sapat na counseling interventions sa mga komunidad, maisama sa curriculum sa eskwelahan ang drug prevention awareness, at palakasin ang sports programs para maengganyo ang mga kabataan to get into sports, stay away from illegal drugs, to keep us healthy and fit!
Tandaan natin na ang imbestigasyong ito ay in aid of legislation. Importanteng makagawa ng mga batas na poprotekta sa karapatan ng bawat tao, at malaman ang katotohanan upang makatutok na tayong lahat sa paghahatid ng serbisyo at tulong sa ating mga kababayan lalo na ngayong marami ang biktima ng nakaraang kalamidad.
Nito ngang October 26, nasa Davao Oriental tayo para magkaloob ng tulong sa 1,000 residenteng kapos ang kita sa Banaybanay, na sa pamamagitan natin ay nakatanggap ng tulong pinansyal katuwang si Mayor Ian Larcia. May 1,000 ding benepisyaryo sa Governor Generoso ang nakatanggap ng katulad na tulong katuwang sina Mayor Juanito Inojales at Lupon Councilor Don Go Montojo.
Sinaksihan naman ng aking opisina noong October 28 ang inagurasyon ng Super Health Center sa Gumaca, Quezon katuwang si Mayor Webster Letargo. Sinabayan na rin ito ng pamamahagi ng tulong para sa 200 residenteng naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Naging panauhing tagapagsalita rin tayo noong October 29 sa ginanap na Cooperative Development Authority (CDA) Gawad Parangal Awards na idinaos sa Quezon City. Buo ang ating suporta sa mga kooperatiba na kaakibat natin sa pagbibigay ng oportunidad sa mga kababayan natin na magkaroon ng maayos na kabuhayan.
Sa araw ding ito ay sinaksihan ng aking opisina ang turnover ceremony ng itinayong Super Health Center sa Santiago, Agusan del Norte.
Hindi naman tumitigil ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong. Namahagi tayo ng food packs at pagkain sa 300 naapektuhan ng bagyo sa Binangonan, Rizal. Nakiramay din tayo sa mga pamilya ng 20 nasawi sa Talisay at 11 sa Laurel, Batangas dahil sa Bagyong Kristine.
May 150 ring residente mula sa Magpet, North Cotabato na naapektuhan ng pagbaha ang ating tinulungan. Tinulungan naman natin ang mga naging biktima ng sunog kabilang ang 13 sa Davao City; siyam sa IGACOS, Davao del Norte; at pito sa Lupon, Davao Oriental.
Natulungan natin ang 751 mahihirap sa Dauin, Negros Oriental na nabigyan din ng tulong pinansyal sa pakikipagtuwang natin kay Mayor Galicano “Galic” Truita.
Nasuportahan din ang 400 mahihirap sa Bongabong, Oriental Mindoro katuwang si Mayor Elgin Malaluan; at 810 naman sa Loboc, Bohol katuwang si Mayor Raymond Jala.
Sumuporta rin tayo sa mga nawalan ng hanapbuhay, na sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan ng pansamantalang trabaho. Naging benepisyaryo ang 213 sa Sogod, Southern Leyte katuwang si Mayor Sheffered Tan; 98 sa Laoag City, Ilocos Norte kasama natin si PCL President Handy Lao; at 1,000 sa Polomolok, South Cotabato katuwang si Mayor Bernie Palencia.
Natulungan din ang 200 senior citizens sa ginanap na Elderly Month Celebration ng Caniogan Senior Citizens Association sa Pasig City.
Muli, taos-puso tayong nakikidalamhati sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi sanhi ng Bagyong Kristine. Patuloy akong tutulong sa mga kababayan nating nahaharap sa matinding krisis, katulad ng panibagong Bagyong Leon, sa abot ng aking makakaya.
Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo, at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.