ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 26, 2023
Muling sasabak ang ating mga atletang Pilipino sa gaganaping 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa Mayo 5 hanggang 17, 2023. Noong Lunes, Abril 24, dinaluhan natin ang kanilang send-off ceremony sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, palagi tayong nandito para suportahan ang ating mga atleta. Isa rin akong sports enthusiast, at noon pa man ay talagang mahilig na ako sa sports. Isa rin itong paraan para mahikayat ang ating mga kabataan, to get into sports and stay away from drugs. Isa ito sa pamamaraan para mailayo ang ating mga kabataan sa ilegal na droga at manatili silang malusog ang isipan at katawan.
Kaya sa ating kapasidad, nag-sponsor tayo sa Senado at ipinaglaban sa 2023 national budget deliberation na magkaroon ng dagdag na pondo ang Philippine Sports Commission, lalo na ang para sa grassroots sports development, at upang masuportahan ang ating mga atletang lalahok sa international competitions.
Mula noon hanggang ngayon, full support tayo sa ating mga atleta, hindi lang sa SEA Games kundi maging sa Asian Games at Olympics. Sa katunayan, sa budget deliberation ay humigit-kumulang sa P200 million ang inilalaan sana para sa PSC. Tayo ang nag-defend at nag-suggest ng dagdag sa pondo nila na P1 billion para sa kapakanan ng ating mga atleta.
Makakatanggap din ng suporta ang mga atletang Pilipino na lalahok sa ASEAN Para Games, Asian Indoor Martial Arts Games, World Combat Games, World Beach Games, at Asian Beach Games.
Inilaan din ang bahagi ng pondo para sa pagho-host ng ating bansa ng FIBA World Cup ngayong taon, at sa iba pang sports programs gaya ng Batang Pinoy, Philippine National Games, at ng grassroots program sa ilalim ng Sports Development Council. May nakalaan din para sa pagpapatayo ng sports infrastructure sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa, at para sa advanced research and development sa larangan ng sports sciences and sports technology.
Tulad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang naging mensahe natin sa ating mga atletang lalahok sa SEA Games ay ‘Go, go, go for the gold.’ Sana ay mag-champion tayo at ibalik natin ang pagiging number one natin sa rehiyon sa larangan ng palakasan. Ipinaalala ko rin sa kanila na pinakaimportante ang lumaban nang buong puso dahil kilala ang mga Pilipino na may puso at lalaban talaga.
Samantala, kahapon ay nasa Antique tayo at sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong Sibalom Super Health Center sa lugar. Bahagi ito ng ating layunin na mahatiran ng mga serbisyong medikal ang malalayong komunidad, at mas mapalakas pa ang ating healthcare system. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa 1,000 mahihirap na residente at walong pamilyang nasunugan sa Sibalom.
Nagkaroon din ng medical and dental mission para masuri naman ang kalusugan ng 300 benepisyaryo.
Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong San Jose de Buenavista Super Health Center, at pagkaraan ay pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa 1,000 senior citizens at PWDs doon. Nagsagawa rin tayo ng monitoring visit sa Malasakit Center sa Angel Salazar Memorial General Hospital para matiyak na patuloy itong nakapagseserbisyo sa mga benepisyaryo. May ibinigay tayong tulong sa 232 pasyente at 935 frontliners. May hiwalay ding tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pasyente, security guards at utility workers. Samantala, pinangunahan ng ating tanggapan ang pagkakaloob ng tulong sa 1,000 mahihirap sa San Remigio at nakiisa sa selebrasyon nila ng Hambaru Festival.
Masaya naman akong ibalita na nagkaroon na ng groundbreaking para sa itatayong Super Health Center sa President Roxas, North Cotabato. Nag-turnover ceremony na rin ng bagong tayong public market sa Poblacion Salug sa Zamboanga del Norte, na ating tinulungang mapondohan.
Kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte, dinaluhan namin kahapon ang birthday dinner ni Pastor Apollo Quiboloy sa KJC Compound, Davao City.
Noong Lunes naman, nasa Pangasinan tayo para tulungan ang 1,000 market vendors at mga pasyenteng may chronic illnesses ng San Carlos. Pagkatapos ay dumiretso tayo sa Gen. Mamerto Natividad, Nueva Ecija at tinulungan ang 1,000 mahihirap na Novo Ecijanos. Bilang adopted son ng lalawigan ng Pangasinan at Nueva Ecija, ipinarating ko na laging bukas ang aking tanggapan para suportahan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan doon sa abot ng aking makakaya.
Naghatid din ang aking tanggapan ng tulong sa 1,512 rebeldeng nagbalik-loob sa ating lipunan. Kasalukuyan silang kinukupkop ng ating pamahalaan sa kampo ng 14th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Mahaplag, Leyte.
Naalalayan din ang mga biktima ng magkakahiwalay na sunog gaya ng 30 residente sa Bgy. Mother Bagua, Cotabato City; 27 sa Bgy. Matina Aplaya, Punta Dumalag, Davao City; 16 sa Bgy. Calumpang, General Santos City; 12 sa Malapatan, Sarangani; pito sa San Jose, Nueva Ecija, at dalawa pa sa Bgy. Tacunan, Davao City. Hindi rin natin kinalimutan na masuportahan ang 33 mahihirap na residente ng Paombong, Bulacan.
Bilang inyong Senador Kuya Bong Go at Chair ng Senate Committee on Health, tandaan natin na health is wealth, at mas mabuti na ang nag-iingat kaysa magkasakit. Hinihiling ko rin sa inyo na sa pagsabak ng ating mga atleta sa SEA Games, ipanalangin natin ang kanilang kaligtasan, tagumpay at maiuwi sana nila sa ating bansa ang kampeonato.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.