ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 6, 2023
Bahagi ng aking tungkulin—at nating lahat na mga Pilipino—na palaging isulong ang interes ng ating bansa. Kahit maliit na bansa tayo, dapat nating ipaglaban kung ano ang atin.
Bagama’t kilala ang mga Pilipino na masayahin, mapayapa at mapagbigay, kilala rin tayo bilang matatapang at naninindigan para sa tama. Kayat dapat nating ipaglaban at hindi hayaan na may mang-abuso sa ating mga karapatan.
Bilang mambabatas na vice chair ng Senate Committee on National Defense at miyembro ng Senate Committee on Foreign Relations, hangad ko na lahat ng anumang hindi pagkakaintindihan sa West Philippine Sea ay maidadaan sa maayos at diplomatikong usapan. Hinihimok ko ang lahat, pati ang mga bansang itinuturing naman nating mga kaibigan, na panatilihin ang respeto sa isa’t isa at iwasan ang paggamit ng karahasan.
Ayaw natin ng digmaan at doon tayo lagi sa kapayapaan. Kaya marapat lang na ang bawat panig sa usaping ito ay patuloy na magpakita ng seryosong paninindigan na magkaroon ng mapayapang pag-uusap para maresolba ang mga sigalot, at sumunod sa mga pandaigdigang obligasyon at tungkulin bilang mga responsableng miyembro ng international community.
Ang ipinaglalaban natin dito ay ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino—lalo na ang mga mangingisda na ang tanging pinagkukunan ng ikabubuhay ay ang yamang dagat ng West Philippine Sea. Kailangan natin silang maprotektahan at malayang magawa ang kanilang mga aktibidad nang hindi nangangamba para sa kanilang kaligtasan.
Anuman ang pagsubok na ating hinaharap, palagi nating unahin ang kapakanan ng mga Pilipino — lalo na ang mahihirap na walang ibang sinasandalan o matatakbuhan kundi ang gobyerno na dapat magprotekta sa kanila.
Bukod sa pakikipaglaban sa ating soberanya, patuloy din nating bigyang-pansin ang mga nangangailangang komunidad sa loob ng bansa.
Nitong linggo ay muli tayong naging abala sa ating mga gawain sa loob at labas ng Senado.
Dinaluhan natin bilang panauhing pandangal ang opening ceremonies ng 49th Midyear Convention Surgery and Universal Health Care noong May 4 sa SMX Convention Center, SM Lanang Premier, Davao City. Ibinahagi natin na bilang Chair ng Senate Committee on Health and Demography, tungkulin natin at isang pribilehiyo ang magtrabaho para mapaganda ang kalidad at maging abot kamay ng mga Pilipino ang serbisyong pangkalusugan.
Binanggit din natin ang malaking ambag ng pagpasa ng Universal Health Care Act sa ating healthcare system, bagamaa’t may mga hamon pa ang pagpapatupad nito. Tinukoy din natin ang ating mga naging inisyatiba para masuportahan ang UHC Act gaya ng isinulong nating karagdagang P21 bilyong PhilHealth budget para sa iba’t ibang serbisyong medikal, at ang patuloy na pagtatatag ng Malasakit Centers at Super Health Centers sa buong bansa.
Dinaluhan din natin ang ginanap na Sangguniang Kabataan Provincial Federation of Davao Occidental Congress sa Ritz Hotel, Garden Oases, Davao City. Pinasalamatan natin ang mga kabataan ng Davao Occidental na nagsisikap na mapalakas ang kanilang kakayahang mamuno sa kanilang hanay at mapaganda ang kanilang mga komunidad.
Binanggit ko sa kanila ang importansya ng kooperasyon ng mga kabataan para masolusyunan ang mga suliranin ng ating lipunan para sa mas magandang bukas ng ating bayan, at maging ng mga susunod na henerasyon. Ipinayo natin na maging instrumento sila ng mga kapwa kabataan para mailayo ang mga ito sa ilegal na droga. Payo ko sa kanila, get into sports and stay away from drugs.
Masaya ko ring ibinabalita na nagkaroon na ng groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Tafal Ned, Lake Sebu, South Cotabato.
Muli naman akong bumisita noong Mayo 3 sa aking mga kababayan sa Alitagtag, Batangas. Katuwang si Mayor Edilberto Ponggos, personal tayong nagkaloob ng ayuda para sa 883 mahihirap na residente sa lugar. Matapos ito ay dumiretso tayo sa Cavite City at inalalayan ang 767 residenteng naging biktima ng sunog.
Dinaluhan din natin bilang panauhing tagapagsalita ang ginanap na 2nd National DOH Employees Association Convention sa Manila Hotel. Ang okasyon ay bahagi ng pagdiriwang ng Health Worker’s Day. Pinasalamatan natin ang lahat ng healthcare workers na walang kapaguran at buong-pusong nagtatrabaho sa gitna ng patuloy na pandemyang ito. Tiniyak din natin sa kanila na patuloy tayong magtataguyod ng mga panukala at inisyatiba na magpapabuti sa ating healthcare system, magpapalakas sa ating public health response, at magbibigay ng mas magandang access sa mga serbisyong medikal para sa lahat ng Pilipino.
Hindi rin nating kinaligtaang maghatid ng tulong sa ating mga kababayan sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Maagap na umalalay ang aking opisina sa mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog, gaya ng 163 sa Bgy. Rizal Pala Pala 2 sa Iloilo City; 11 sa Villaba, Leyte; at 39 sa Purok San Vicente, Badiang Sinawilan, Digos City.
Nagsagawa rin tayo ng serye ng pamamahagi ng tulong sa Agusan del Sur partikular ang 250 mahihirap na residente ng San Francisco, 200 sa Bunawan, 100 sa La Paz, 40 sa Talacogon, at 100 pa sa Prosperidad. Tuluy-tuloy din ang pag-ikot ng aking opisina upang mamahagi ng tulong sa 150 residente sa Dingalan, Aurora; at 19 sa Dinalupihan, Bataan.
Mayroon ding 613 TESDA graduates mula sa probinsya ng Cebu ang binigyan natin ng dagdag na tulong.
Nagpapasalamat ako sa pagbibigay ninyo ng pagkakataon sa isang probinsyanong tulad ko na maging tagapaglaban ninyo sa gobyerno. Ibinabalik ko ang tiwalang ipinagkaloob ninyo sa akin sa pamamagitan ng mabilis at walang tigil na serbisyo para sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.