ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 28, 2023
Nananatiling isang malaking hamon sa ating lipunan ang paglaban sa ilegal na droga.
Ang nakalulungkot, may ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang napapaulat na sangkot pa rito. Dapat na magpatupad ang pamahalaan ng mas mahigpit na mga patakaran para tuluyan nang masugpo ang paglaganap ng kriminalidad at droga sa ating bansa.
Sa totoo lang, nanghihinayang ako kung ang inumpisahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kampanya kontra droga at kriminalidad ay masasayang lamang, lalo na kung tuluyang hahayaan nating pasukin ng mga sindikato ang ating kapulisan.
Kapag bumalik ang ilegal na droga, nandiyan na naman ang kriminalidad at babalik din ang korapsyon sa gobyerno dahil nabibili at may katapat na pera ang paninindigan ng ilang nasa pamahalaan. Ikinatatakot ko ang pagbalik natin sa ganoong sitwasyon na laganap na naman ang korapsyon sa gobyerno dahil mismong ang ilang tauhan na dapat nagpapatupad ng batas ay nababayaran ng mga sindikato.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong May 23, tinanong ko ang hepe ng buong kapulisan kung ano ang opinyon niya sakaling gawing drug czar si dating Pangulong Duterte. Siyempre, suhestyon at diskusyon lang naman ‘yun at nakadepende pa rin ‘yun sa appointing authority na si Pangulong Bongbong Marcos, Jr., at kung papayag naman si dating Pangulong Duterte.
Kung saka-sakali naman, malaking tulong si Tatay Digong sa anumang kapasidad.
Gayunman, ang ibig ko lang sabihin ay ang kailangan dito ay ‘yung talagang kamay na bakal para matakot ang mga sangkot sa droga. Dapat ay may ngipin dahil kung wala, hindi matatakot at hindi titigil ang mga masasamang loob sa lipunan.
Ito naman ay napag-uusapan lang dahil talagang dismayado tayo sa mga nadiskubreng kalokohan lalo pa at mga pulis daw ang sangkot. Sila na dapat magprotekta sa taumbayan, sila pa ang konektado sa droga. Ang pinag-uusapan dito ay napakalaking quantity ng droga, at napakaraming buhay na naman ang sisirain nito at pamilyang mawawasak kapag kumalat iyan sa komunidad.
Nakakadismaya dahil sa pagdinig, pinapaikut-ikot na lang ang istorya at ang iba ay hindi nagko-cooperate. Dapat talagang himaying mabuti at kasuhan na ang dapat kasuhan.
Sa hanay ng mga pulis, ihiwalay natin ang mga bulok para hindi na makahawa pa.
Naniniwala ako na seryoso ang ating administrasyon na sugpuin ang ilegal na droga.
Nagtitiwala rin ako sa pamunuan ng PNP. Ang importante lang talaga rito ay may strong position at gamitan ng kamay na bakal para hindi mamayagpag ang mga sindikato.
Tinaasan ang suweldo ng pulis, sundalo at iba pang uniformed personnel noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa ating lipunan.
Kasama ako noon sa nakipaglaban para maisakatuparan ang pangakong iyon ni Tatay Digong.
Tulungan natin ang mga matitinong mga kawani ng pulis na maproteksyunan ang integridad ng kanilang institusyon na ating pinagkakatiwalaang tagapagtanggol ng ating karapatan na mabuhay nang ligtas at tahimik.
Samantala, patuloy naman tayo sa walang tigil na paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan. Kahapon, May 26, nasa Misamis Oriental tayo para saksihan ang groundbreaking ng itatayong Libertad Super Health Center. Matapos ito ay pinangunahan naman natin ang pamamahagi ng ayuda para sa 1,000 mahihirap na residente ng Libertad.
Nakarating din tayo sa Cagayan de Oro City at personal na naghatid ng tulong sa 2,000 mahihirap na residente. Nagtungo rin tayo sa Brgy. Balubal, sa CDO pa rin, at sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center doon, at pagkaraan ay nakihalubilo naman tayo sa 300 mahihirap na residente na atin ding pinagkalooban ng tulong.
Ang pagpapatayo ng Super Health Centers ay bahagi ng ating adhikain bilang Chair ng Senate Committee on Health, kasama ang DOH, mga kapwa mambabatas at lokal na pamahalaan, na mas mapalakas pa ang ating healthcare system at maihatid sa ating mga kababayan sa malalayong komunidad ang serbisyong medikal na kailangan nila 307 Super Health Centers ang napondohan noong 2022 at 322 naman ngayong taon.
Nanggaling naman tayo sa Davao de Oro noong May 25 at sinaksihan ang groundbreaking ng Maco Super Health Center at nagbigay ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente ng Maco.
Binisita rin natin ang itinayong two-storey Multi-Purpose Building sa Brgy. Binuangan.
Naging instrumento tayo para mapondohan ito bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance.
Inalalayan din natin ang iba pa nating kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis.
Noong May 24, kasabay ng groundbreaking ng Binuangan Super Health Center sa Misamis Oriental ay naabutan ng tulong ang 500 mahihirap na residente sa lugar.
Personal ko namang inalam ang kalagayan ng 1,201 residente ng Sta. Cruz, Manila na nasunugan at naghatid din ng tulong upang makabangon silang muli.
Nag-ikot din ang aking opisina sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa upang makapagbigay ng tulong at mga ngiti sa labi ng ating mga kababayan. Kabilang dito ang 1,200 TODA drivers sa San Luis, Pampanga; 300 Barangay Health Workers at 100 nutritionists mula sa Macalelon, Quezon; at 250 na mahihirap na residente naman sa Dipaculao, Aurora.
Nakilahok din ang aking tanggapan para sa isinagawang dental and medical mission para sa 150 residente sa Pandan, Antique. Nagkaloob din tayo ng dagdag na suporta para sa 373 TESDA graduates na nagsipagtapos ng kanilang training sa Argao, Cebu.
Sa abot ng aking makakaya ay patuloy ako sa pagtulong, pagmamalasakit at paghahatid ng serbisyo sa ating kapwa Pilipino. Wala akong hinihinging kapalit maliban sa inyong pakikiisa sa mga layunin ng ating pamahalaan na magkakaloob sa bawat Pilipino ng mas komportable, ligtas at tahimik na buhay.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.