ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 17, 2023
Sa mga nakalipas na dekada ay naging mailap ang pangmatagalang kapayapaan sa ilang lugar sa ating bansa, lalo na ‘yung mga malalayo at mahirap maabot ng mga serbisyo mula sa gobyerno.
Natatandaan ko, mayor pa lang si Tatay Digong ng Davao City ay nagpupunta na kami sa mga kampo ng rebelde para iligtas ang mga sundalo at pulis na nabihag. Ako mismo ang iniiwan niya doon kung sobra sa isa ang ililigtas namin dahil hindi na kasya sa maliit naming sinasakyan.
Kung tutuusin, parang ako na ‘yung bihag-kapalit sa sitwasyon na iyon.
Nang maging pangulo na siya, pinirmahan niya ang Executive Order No. 70 noong 2018 na nagtatag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ay may layuning maging mas holistic at whole-of-government ang approach sa pagsugpo sa insurgency.
Ibig sabihin, sa halip na gamitan ng puwersa ng pamahalaan ang mga rebelde, tinukoy ang lahat ng ugat ng insurgency at nilapatan ng solusyon gaya ng kahirapan, kawalan ng hanapbuhay, kakulangan sa edukasyon at hindi accessible na mga serbisyo ng gobyerno.
Sa pamamagitan ng NTF-ELCAC, maraming kapwa natin Pilipino na nagrebelde noon ang nagbalik-loob sa pamahalaan at nabigyan ng pagkakataon na muling maging produktibong bahagi ng ating lipunan at nakapiling muli ang kanilang pamilya.
Sinuportahan natin ito dahil importante sa akin ang kapayapaan lalo na sa Mindanao.
Wala na dapat na patayan dahil sino ba naman ang may gustong magpatayan? Masakit makitang kapwa Pilipino ay nagpapatayan laban sa kapwa Pilipino dahil lang sa pagkakaiba sa mga ideolohiya.
Kaya mahalaga na mas mapalawak pa ang mga programa para sa mga nagbabalik-loob at mapagkalooban sila ng patuloy na pagkukunan ng ikabubuhay para huwag na silang humawak muli ng armas laban sa kapwa nila Pilipino.
Kaugnay nito, bilang vice chair ng Senate Committees on National Defense at ng Public Order, noong June 13 ay dinaluhan natin ang unang anibersaryo ng pagiging insurgency-free ng Davao del Norte na ginanap sa Tagum City. Kasama natin dito ang mga lokal na opisyal gaya ni Governor Edwin Jubahib, ilang mga pulis, militar at iba pang uniformed personnel, gayundin ang mga residente para ipagdiwang ang tagumpay ng kapayapaan, pagkakaisa at pag-unlad laban sa karahasan at pagkakawatak-watak.
Naroroon din ang mga dating rebeldeng nagbalik-loob, at ang mga batang IPs na nailigtas sa kaguluhan. Binigyang-diin ko rin sa kanila na hindi na dapat dumanak pa ng dugo sa pagitan ng mga Pilipino. Nananawagan din ako sa mga nasa kabundukan pa na bumaba na sila at samantalahin ang mga programang iniaalok ng pamahalaan.
Ako mismo ay tutulong din sa kanila sa aking sariling kakayahan at kapasidad para makamit na natin ang kaayusan.
Samantala, ngayong birthday week ko ay ginunita ko ang araw na iyon na walang selebrasyon tulad ng dating Pangulong Duterte sa mga kaarawan niya. Sa halip ay nagpasalamat ako sa Panginoon sa ibinigay Niyang buhay at nagpatuloy lang ako sa paglilingkod lalo na sa ating mga kababayang mahihirap.
Kahapon, June 16, ay nasa Leyte tayo matapos maimbitahan ni Mayor Boying Cari sa 16th Charter Day Celebration ng Baybay City. Matapos ang okasyon ay dumiretso tayo sa Immaculate Conception Hospital at nagsagawa ng monitoring visit sa Malasakit Center doon.
Namahagi rin tayo ng tulong sa mga pasyente at frontliners, habang may hiwalay ding tulong para sa mga pasyente mula sa DSWD. Nag-inspeksyon din tayo sa Baybay Super Health Center, na malapit nang matapos ang konstruksyon. Sinilip din natin ang Baybay City Boardwalk, isa sa mga proyekto sa lungsod na napondohan sa ating pamamagitan.
Idineklara rin tayo bilang adopted son ng Leyte — isang malaking karangalan para sa akin at labis tayong nagpapasalamat sa lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Governor Icot Petilla, Vice Gov. Sandy Javier, BM Carlo Loreto, at iba pang mga opisyal.
Bumisita rin tayo sa Ormoc City at naghatid ng tulong kasama si Mayor Lucy Torres-Gomez at Congressman Richard Gomez sa 1,000 mahihirap na residente na kinabibilangan ng solo parents at vendors; at 65 pa na mga naging biktima ng sunog.
Binisita rin natin ang Malasakit Center na nasa Ormoc District Hospital kung saan namahagi tayo ng tulong para sa mga pasyente at frontliners. May hiwalay ding tulong ang DSWD para sa mga qualified patients.
Nag-inspeksyon din tayo sa ilan pang proyektong napondohan sa ating pamamagitan, tulad ng fencing hall na binuksan ng araw na 'yun at ang mga itinatayong skate and BMX park. Malaking tulong ito para mapalakas ang grassroots sports development at mailayo ang mga kabataan sa masasamang bisyo. Sabi ko nga, ‘get into sports, stay away from drugs’.
Masaya ko ring ibinabalita na kasabay ng mga aktibidad na ito ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Tiguma, Pagadian City.
Noong June 15, bilang handog ko sa kapwa sa aking kaarawan, bumisita ako sa Quezon City para ilunsad ang mga proyektong napondohan sa ating pamamagitan at makatulong sa mga residente. Kasama si Councilor Mikey Belmonte, dinaluhan natin ang inagurasyon ng Multi-Purpose Building sa Bgy. Commonwealth at kasunod sa Bgy. Payatas. Pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng ayuda sa 1,000 mahihirap na residente ng lungsod, kasama rin si Mayor Joy Belmonte.
Matapos nito, tumawid tayo patungong Marikina City at namahagi ng tulong sa 1,500 mahihirap na residente ng lungsod, 750 benepisyaryo mula sa San Mateo at 750 pa mula sa Montalban. Nagpapasalamat ako sa mga lokal na opisyal na sina Cong. Maan Teodoro at Mayor Marcy Teodoro ng Marikina City, Mayor General Ronnie Evangelista ng Montalban, at Mayor Bartolome “Omie” Rivera, Jr. ng San Mateo sa pakikipagtuwang sa aking tanggapan upang makatulong sa kanilang mga nasasakupan.
Nag-ikot din sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa ang aking opisina para tulungan ang iba pa nating mga kababayan. Naalalayan ang 990 mahihirap na residente ng Tagudin, Ilocos Sur; 550 sa Sto. Domingo, Albay; 350 sa Iligan City; 150 sa Damulog, Bukidnon; 136 sa Samal, 82 sa Limay at 33 sa Balanga na mga lugar sa Bataan; at 100 pa sa Tubod, Lanao del Norte. Mayroon ding dalawang pamilyang nasunugan sa Carcar City, Cebu na ating tinulungan.
Nagpapasalamat ako sa Diyos sa panibagong taon sa aking buhay upang maipagpatuloy ang aking tungkulin na magseserbisyo sa mga Pilipino at unahin ang mga mahihirap. Hindi ko sasayangin ang oportunidad na ito para makapaglingkod sa abot ng aking makakaya.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.