ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 19, 2023
Panahon na ng tag-ulan at hindi maiiwasang uso na naman ang iba’t ibang sakit. Mag-ingat po tayo at pangalagaan ang ating kalusugan.
Kaugnay nito, nagbabala na ang Department of Health (DOH) sa posibilidad na tumaas ang kaso ng leptospirosis lalo pa at halos walang tigil na ang buhos ngayon ng ulan sa buong bansa at maraming lugar ang binabaha. Ang leptospirosis ayon sa DOH ay bacterial infection na dala ng ihi ng iba’t ibang hayop, partikular ang mga daga, at nakukuha ng mga tao kapag lumulusong sa baha lalo na sa mga lugar na tambak ang basura.
Delikado ang leptospirosis at nagiging sanhi ng kamatayan. Kabilang sa mga sintomas nito ang mataas na lagnat, sore eyes, paninilaw ng mga mata at balat, pagbabago sa kulay ng ihi na posibleng sanhi ng kidney failure.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, nakikiusap ako sa DOH na mas paigtingin pa ang kanilang kampanya laban sa leptospirosis at iba pang sakit ngayong panahon ng tag-ulan. Dapat mas maintindihan ng taumbayan kung saan nakukuha ang naturang sakit, kung paano maiiwasan ito at kung ano ang gagawin kung sakaling may tamaan nito.
Kung kailangan ninyo ng tulong sa pagpapaospital, meron tayong 158 Malasakit Center sa buong bansa na makatutulong sa inyo para mapababa sa pinakamababang halaga ang inyong bayarin sa pagpapagamot. Batas na po ito na isinulong ko bilang principal sponsor at author noon. Pinagsama-sama na sa iisang kuwarto sa loob ng pampublikong ospital ang mga ahensya ng gobyerno na may medical assistance programs para maghatid ng mas mabilis, maayos at maaasahang tulong pangmedikal sa mga Pilipino lalo na ang mga mahihirap.
Samantala, bilang bisyo ko ang magserbisyo, tuluy-tuloy ang ating mga gawain sa loob at labas ng Senado kaugnay ng ating layuning patuloy na paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad.
Kahapon, July 18, ay nasa Bulacan tayo para sa ribbon cutting ceremony ng itinayong Super Health Center sa San Miguel. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda para sa 1,000 mahihirap na residente sa lugar katuwang ang opisina ni Mayor Roderick Tiongson. Dumiretso tayo sa Bustos kung saan 1,000 benepisyaryo rin ang napagaan natin ang dalahin kasama sina Congresswoman Tina Pancho, former congressman Apol Pancho, Mayor Iskul Juan at Vice Mayor Martin Angeles.
Noong July 17 ay nasa Bohol tayo para bisitahin ang itinatayong Governor Celestino Gallares Multi-Specialty Medical Complex sa Cortes kasama sina Cong. Edgar Chatto, Vice Governor Victor Balite, Cortes Mayor Iven Lim at Dauis Vice Mayor Miriam Sumaylo.
Naging principal sponsor tayo ng Republic Act 11883 kung saan sa pamamagitan nito, ang Governor Celestino Gallares Memorial Hospital ay nai-convert para maging multi-specialty medical complex at mapaglaanan ng gobyerno ng pondo. Bumisita rin tayo sa Cortes Municipal Public Park at sa Cortes Municipal Grounds -- mga proyektong napondohan sa ating pamamagitan. Pinuntahan din natin ang Disaster Risk Reduction and Management building na itinayo sa Brgy. Poblacion. Ang nasabing gusali, kabilang ang isang rescue vehicle at fire truck, ay sa ating pamamagitan din napaglaanan ng pondo.
Sinaksihan din natin ang pagbubukas ng Inter-Barangay Basketball League na ginanap sa amphitheater ng barangay katuwang ang lokal na pamahalaan kasama si Councilor Ira Lim. Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, suportado natin ang mga ganitong grassroot sports development programs. Hindi rin natin kinaligtaang pagkalooban ng tulong ang 1,000 indigents sa lugar.
Nakarating din tayo sa Tagbilaran City at namahagi ng ayuda para sa 2,000 mahihirap na residente kasama sina Governor Aristotle Aumentado, Vice Governor Dionisio Victor Balite, Board Member Greg Jala, Tagbilaran Mayor Jane Yap, former mayor Baba Yap, at iba pa, bago tayo nag-inspeksyon sa Super Health Center na nasa Brgy. Dampas.
Bumisita rin tayo sa Malasakit Center na nasa Governor Celestino Gallares Memorial Hospital sa Tagbilaran upang masiguro ang patuloy na operasyon nito. Dinaluhan din natin bilang panauhing pandangal ang 73rd commencement exercises ng Bohol Institute of Technology International College System at nagbigay ng inspirasyon sa mga bagong nagsitapos. Matapos ang okasyon ay binisita natin ang kasalukuyang itinatayo na New Cogon Public Market sa siyudad.
Masaya ko ring ibinabahagi na noong July 17 ay nagkaroon na ng groundbreaking para sa itatayong Olutanga Super Health Center sa Zamboanga Sibugay.
Pumunta naman tayo sa Koronadal City, South Cotabato noong July 16, kung saan ginaganap ang T’nalak Festival 2023. Nagbigay kortesiya tayo kay Governor Jun Tamayo at ilang opisyal sa probinsya. Matapos ito ay pinangunahan natin ang pamamahagi ng ayuda para sa kabuuang 1,743 mahihirap na residente sa lugar kasama sina Congressman Peter Miguel at Mayor Eliordo Ogena.
Nag-inspeksyon din tayo sa mga ikinabit na solar streetlights sa Brgy. Zone 4. Ang proyektong pailaw ay napondohan sa ating pamamagitan.
Nakarating naman ang aking relief team sa iba’t ibang lugar sa ating bansa para tulungan ang mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Maagap nating dinamayan ang mga biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 388 sa Brgy. Kasangyangan, Zamboanga City; 21 sa Nabunturan, at 18 sa Mawab, mga lugar sa Davao de Oro. Nakapaglagay tayo ng ngiti sa mga labi ng 1,400 mahihirap na residente sa Polillo Island, Quezon Province katuwang si Cong. Mark Enverga; 132 sa Talavera, Nueva Ecija; 56 sa Obando, Bulacan katuwang sina Mayor Leonardo Valeda at Councilor Evangeline Bautista; at 51 pa sa Samal, Bataan kaagapay naman si Mayor Alex Acuzar.
Masaya po ako na patuloy ang masigla at aktibong pakikipagtulungan sa atin ng mga opisyal ng pamahalaan sa ating ginagawang paglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa mga tao. Makaaasa kayo ng aming walang humpay na malasakit at serbisyo sa abot ng aming makakaya. Ingatan lang po natin ang ating kalusugan para maipagpatuloy natin nang walang sagabal ang ating mga gawain habang sama-sama nating pagtulungan ang muling pagbangon ng ating ekonomiya at mapagaan ang buhay ng bawat Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.