ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 29, 2023 Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, masayang-masaya tayo sa ipinakikitang husay ng ating mga kakabaihang atleta na kalahok sa international competitions.
Noong July 25 ay nakagawa ang Filipinas, ang Philippine Women’s National Football Team, ng kasaysayan nang talunin nila sa ginaganap na 2023 World Cup ang New Zealand sa score na 1-0. Ito ang ating kauna-unahang panalo sa isang match sa World Cup kaya talaga namang maitatala ito sa kasaysayan ng sports sa ating bansa.
Ipanalangin po natin ang kanilang panalo at sana ay magtuluy-tuloy ang kanilang tagumpay.
Nagpakitang gilas din ang ating Philippine Blu Girls sa ginaganap na 17th Women’s Softball World Cup. Bagaman at natalo sa unang tatlong laro, nakabawi ang Blu Girls sa pamamagitan ng come-from-behind wins laban sa New Zealand at Italy. Nagtapos ang kanilang World Cup campaign na nasa ikaapat na puwesto at may 2-4 win-lose card.
Gayunpaman, naipakita nila na kaya nilang makipagsabayan sa world stage.
Ang magagandang performance na ito ang nagbigay sa atin ng dagdag na motibasyon para lalong suportahan ang ating mga atleta. Sa nakikita ko ay kaya talaga nating magwagi sa international competitions kaya dapat ipagpapatuloy natin ang ating mga nasimulan na para sa ating sports program.
Isinumite natin ang Senate Bill No. 423, o ang panukalang Philippine National Games Act of 2022. Kung maisabatas, layunin nito na mapalawak ang grassroots sports program para makatuklas ng mga atletang Pilipino sa buong bansa na may potensyal sa iba’t ibang sports at mabigyan sila ng pantay na oportunidad sa mga pagsasanay upang sa hinaharap ay maaaring maging kinatawan sila sa mga international sporting competitions.
Isang paraan din ito para mahikayat ang ating mga kabataan to get into sports and stay away from illegal drugs.
Ipinaglaban din natin sa deliberasyon ng ating 2023 budget ang karagdagang pondo para sa Philippine Sports Commission. Sa katunayan, ang budget lang sana ng PSC ay nasa humigit-kumulang PhP200 million lamang. Tayo ang nagsulong ng dagdag sa pondo nila kaya nabigyan pa ito ng PhP1 billion, kasama na ang budget para sa iba pang grassroots programs gaya ng Batang Pinoy, dagdag pondo sa pagdaraos ng FIBA 2023, at suporta sa mga lalahok sa international competitions tulad ng 2022 Asian Games, 2023 Southeast Asian Games, at 2024 Summer Olympics, gayundin ang mga kalahok sa ASEAN Para Games, at iba pa.
Naging author at co-sponsor din tayo ng panukalang batas na naging Republic Act No. 11470 noong 2020. Naging daan ito para maitatag ang National Academy of Sports sa New Clark City sa Tarlac. Bahagi ito ng aking pangarap na magkaroon ng dedicated learning facility kung saan ang mga kabataang Pilipino ay mas mahahasa ang kakayahan sa sports habang pinagkakalooban din sila ng de-kalidad na pormal na edukasyon. Sa ganitong paraan, walang masasakripisyo kung makakapag-training sila habang nakakapag-aral nang mabuti.
Samantala, may bagyo man o kahit ano ang lagay ng panahon ay hindi tayo napipigil sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan at komunidad dahil bisyo ko na ang magserbisyo.
Kahapon, July 28, sa imbitasyon ni Mayor Jennie Sandoval ay naging guest speaker tayo at nagbigay ng inspirasyon sa mga nagtapos sa University of Malabon. Patuloy ang ating adbokasiya sa edukasyon at pinaalalahanan natin ang mga kabataan na ang edukasyon ang susi sa mas magandang kinabukasan bilang tanging puhunan natin sa mundong ito.
Noong Biyernes na iyon, bilang Chair ng Senate Committee on Health, dinaluhan natin ang inagurasyon at blessing ng mga bagong gusali ng East Avenue Medical Center gaya ng kanilang Outpatient Department and Ambulatory Care Surgery, One Pinas Facility, Women’s Wellness Center at CERID Negative Pressure Rooms. Binisita rin natin ang Malasakit Center sa nasabing ospital, kung saan namahagi rin tayo ng tulong para sa 1,069 na pasyente at 3,099 frontliners.
May hiwalay ring tulong ang DSWD para sa mga kuwalipikadong pasyente.
Biyaheng Laguna naman tayo noong July 27 at pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa 1,400 indigent students ng Biñan City sa pakikipagtulungan kay Cong. Len Alonte. Kasama rin sina Vice Governor Karen Agapay, Mayor Arman Dimaguila Jr., Vice Mayor Gel Alonte, at iba pang opisyal, pinaalalahanan namin ang mga kabataan na sila ang pag-asa ng ating bayan.
Matapos ito ay dumiretso tayo sa Cavite City kasama sina Cavite City Mayor Denver Reyes Chua, Vice Mayor Raleigh Grepo Rusit, Noveleta Mayor Dino Chua, Congressman Jolo Revilla, Board Member Davey Chua, at iba pang opisyal para pangunahan ang pamamahagi ng dagdag na suporta sa mga nasunugan noon na nauna na nating nabigyan ng tulong noong Mayo. Dahil isinulong natin ang Emergency Housing Assistance Program (EHAP) noon, namahagi rin ang National Housing Authority (NHA) ng ayuda para pambili ng housing materials tulad ng pako, yero, at iba pa sa 734 benepisyaryo upang makapagpatayo at maisaayos muli ang kanilang tirahan.
Naging guest speaker din tayo sa ginanap na General Membership Assembly at Barangay Congress ng Liga ng mga Barangay Zamboanga City Chapter noong July 27 sa Makati City.
Personal naman nating pinangunahan noong July 26 ang pagkakaloob ng tulong sa 622 residente ng Barangay San Dionisio, Parañaque City na naging biktima ng insidente ng sunog kamakailan. Kasama natin dito sina Mayor Eric Olivarez at Cong. Edwin Olivarez.
Nakarating din ang aking opisina sa iba’t ibang komunidad na nahaharap sa krisis. Napagaan natin ang dalahin ng mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 70 residente ng Gov. Generoso, at anim pa sa Banaybanay, mga lugar sa Davao Oriental; lima sa Samal, Davao del Norte; at 58 sa Muntinlupa City.
Naabutan din ng dagdag na tulong ang mga naging biktima noon ng iba’t ibang kalamidad sa Davao de Oro gaya ng 39 sa Compostela, 25 sa Mabini, 25 rin sa Pantukan, at tatlo sa New Bataan. Kasama ang NHA, nabigyan din sila ng pambili ng housing materials o mga gamit para sa pagsasaayos ng kanilang tirahan.
Tumulong din tayo sa 1,287 mahihirap na residente ng Gapan City, Nueva Ecija. Natulungan din ang 616 mahihirap na residente ng Tarlac. Sa Bulacan ay 66 benepisyaryo ang naayudahan sa bayan ng Hagonoy at 66 sa bayan ng Pulilan.
Ipagdiwang natin ang ating maliliit na panalo na nagpapatunay na unti-unti tayong nagtatagumpay bilang isang nagkakaisang bansa. Suportahan natin ang iba pa nating atleta na sasabak sa international competitions. Patuloy rin nating bigyan ng pag-asang makaahon sa hirap ang ating mga kababayang nangangailangan. Sama-sama tayong magtulungan, magbayanihan at gawin ang ating makakaya para sa ikauunlad ng ating bansa.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.